EAT

‘E.A.T.’, titulo ng bagong TVJ at legit Dabarkads show sa TV5

July 1, 2023 Vinia Vivar 456 views

EAT1Kahapon (July 1) ay napanood na nga ang inaabangang pilot live telecast ng noontime show nina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon (TVJ) at legit Dabarkads sa TV5.

Maaga pa lang ay napakarami nang nag-aabang sa pagbabalik ng noontime show sa ere base sa mga nababasa naming komento sa social media gamit ang “#IsangLibotIsangTuwa at #TVJSaTV5.”

Ipinakita rin sa telebisyon ang dami ng mga supporter na nag-abang sa labas ng Studio 5 sa Reliance St., Mandaluyong.

In fairness, ang bongga naman din ng ibinigay na welcome ng TV5 sa TVJ at sa buong Dabarkads.

Mula sa pagdating nila ay talagang nakatutok sa kanila ang camera.

Una munang nagdatingan ang grupo ng JoWaPao (Jose Manalo, Wally Bayola at Paolo Ballesteros) kasunod sina Allan K, Ryan Agoncillo, Maine Mendoa, Ryzza Mae Dizon at Carren Eistrup na binigyan ng mainit na pagtanggap ng mga anchor ng Kapatid news program na Frontline Pilipinas — sina Gretchen Ho at Kaladkaren.

Tumutok din ang camera sa pagdating ng TVJ mula sa pagbibiyahe ng mga ito sakay ng isang sasakyan hanggang sa pagdating at pagpasok sa studio.

Habang naglalakad ang iconic trio papalapit sa mismong studio ay hindi na napigilan ng mga ito ang maging emosyonal.

Unang napaiyak si Joey at maya-maya’y sumunod na si Bossing hanggang sa pati na rin si Tito Sen.

In fairness, nakakaiyak naman talaga. Pati kami ay napaiyak lalo pa nga’t naalala rin namin ang mahahabang taon na pinasaya nila tayo at kasama natin sila sa pananghalian araw-araw.

Nang makapasok na sila sa studio ay nagsigawan at nagpalakpakan ang audience kaya mas lalo pang naging emosyonal ang lahat including TVJ.

Ipinakita sa camera ang asawa ni Bossing na si Pauleen Luna at misis ni Joey na si Eileen Macapagal na iyak din nang iyak.

Naroroon din ang wifey ni Oyo Sotto na si Kristine Hermosa at ang anak ni Vic na si Pasig City Mayor Vico Sotto.

Nandoon din ang isa pang anak ni Vic na si Danica Sotto kasama ang asawa nitong si Marc Pingris.

Marami rin ang nag-abang sa pre-announced guesting ng Megastar na si Sharon Cuneta.

Marami ang na-touch sa binitiwang salita ni Joey na, “Hindi importante ang laki ng bahay, ang importante sama-sama tayo.”

Pagdating naman sa titulong gagamitin ng show, mukhang E.A.T. o Eto Ang Totoo ang pansamantala munang magiging title base na rin sa bagong lyrics ng kinanta nilang theme song sa pagsisimula ng programa.

AUTHOR PROFILE