Paul Gutierez

Durugin na lang dapat ang 2 Bugatti!

February 26, 2024 Paul M. Gutierrez 171 views

TUMATAGINTING humigit kumulang P365 milyon ang halaga ng isang Bugatti Chiron sports car kung legal ang importation para maipasok sa bansa at kung nagbayad ng lahat ng klaseng buwis

Kaya nakakagigil, mga kababayan, nang pumutok ang balita kamakailan na may dalawang Bugatti sports car na nakapasok sa bansa, na ang binayaran lang daw ay nasa P24.7-milyon kada isa.

Anu ang ipinupunto natin dito? Talo na naman si “Juan dela Cruz” dahil naipuslit, pinalusot, sa madaling salita – na-smuggle – ang luxury vehicles na ito na hindi nagbayad ng karampatang buwis.

Sa pag-uusisa natin, nagkakahalaga ang isang Bugatti ng nasa P165 milyon, hindi pa kasama ang iba’t ibang buwis para maipasok sa bansa. Ngunit, makakabili lamang nito mula sa mga otorisadong importers o kumpanya ns pinapahintulutan ng manufacturer ng sasakyang ito.

Kung nasa P165 milyon ang market price, ang kabuuang duties, taxes at iba pang buwis na kailangang bayaran upang maging legal ang importasyon ng sasakyang ito ay nasa P160 milyon. Kaya ang P24.7 milyon na ibinayad ng sinasabing may-ari nito ay “tuldok” lamang ng kabuuang dapat bayaran.

Heto ang siste. Matagal nang “kalakaran” sa Bureau of Customs (BOC) ang isyu ng auction. Ito yung sistema kung saan ang mga nasasakoteng ismagel na sasakyan ay ibebenta sa mas mababang halaga nang sa gayon ay makabawi “daw” sa nawalang buwis.

Mukhang gasgas na ang sistemang ito at bistado na ang ganitong modus. Kadalasan, ang nananalo sa bidding para sa auction ay ‘yun din mismong nagpuslit o nagpalusot ng sasakyan. Siyempre, kasabwat ang mga kawatan d’yan sa Aduana.

Ang dapat sa mga sasakyan na ‘yan, ibenta sa tamang halaga kasama ang mga duties and taxes na dapat bayaran, para maiwasan ang agam-agam na umiiral pa rin ang hokus-pokus sa sistemang “auction.”

Kung hindi rin lang makokolekta ang karampatang buwis, mas mainam pa na pare-parehong walang makinabang sa mga sasakyan na ‘yan. Kesa naman may mabenta nga, pero nadaya naman ang kaban ng bayan sa buwis na binayaran.

Kesa pagtawanan ang gobyerno na napalusutan dahil sa sistemang “auction,” mas mainam siguro na durugin na lang ng backhoe ang mga imported na sasakyan na ‘yan, kesa patuloy na mamayagpag ang mga smuggler at mga sindikato d’yan sa BOC.

AUTHOR PROFILE