Duterte1

DU30, BATO IMBITADO SA EJK HEARING

June 25, 2024 People's Tonight 71 views

BatoEx-Pres. Duterte, Sen. Bato iimbitahan sa pagdinig ng human rights committee sa EJK sa implementasyon ng war on drugs

IIMBITAHAN ng House committee on human rights sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa pagdinig nito kaugnay ng extrajudicial killings (EJK) sa implementasyon ng kampanya laban sa iligal na droga ng nakaraang administrasyon.

Sa ikatlong pagdinig ng komite nitong Martes, iminungkahi ni Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abanta Jr. na imbitahan sina Duterte at Dela Rosa upang pakinggan ang testimonya ng pamilya ng mga biktima.

“We have informed the former president of this hearing so he knows,” ayon kay Abante. “For the fourth hearing, I will be inviting Sen. Bato Dela Rosa and the former president to come and listen to your testimony.”

Ang pasya ni Abante ay makaraan na rin ang diskusyon kung saan tinanong ni Abante sina Kristina Conti, Secretary General ng National Union of People’s Lawyers-National Capital Region, at Rubilyn Litao ng Rise Up for Life and for Rights kung sila ay naniniwala na may pananagutan ang dating pangulo sa mga pagpaslang.

“Naniniwala kami na dahil sa polisiya ng war on drugs o tokhang ng dating Pangulong Duterte kaya po naganap itong maraming pagpaslang,” ayon kay Litao.

Sina Conti at Litao ang tumutulong sa daan-daang pamilya ng mga biktima ng EJK, kung saan ilan sa pamilya ng mga biktima ang dumalo upang ibahagi ang kanilang nakapangingilabot na karanasan sa madugong kampanya kontra droga.

Dahilan upang imungkahi ni Abante sa mga kapwa mambabatas ang pormal na pag-anyaya. “I would even suggest that later on we should invite the former president. Kayo po ba handa kayong humarap sa former president pag inimbitahan natin?” tanong ni Abante, na agad namang sinang-ayunan ng mga saksi.

Naghain ng mosyon si Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas na sinegundahan naman ni ACT Teachers Rep. France Castro.

“Mr. Chair, I move to invite former president Rodrigo Duterte and, of course, Senator Bato Dela Rosa para po sa pagsagot sa mga issues na ina-allege, mga issues na inihahapag ng EJK victims and their families,” ayon kay Brosas.

Ang mosyon ay inaprubahan matapos na walang nagpahayag ng pagtutol dito.

Ang imbestigasyon ay naglalayong tugunan ang mga umano’y paglabag sa karapatang pantao sa panahon ng drug war ni Duterte, na malawakang kinokondena.

Ayon sa datos ng pamahalaan, higit sa 6,200 drug suspects ang napaslang sa anti-narcotics operations mula Hunyo 2016 hanggang Nobyembre 2021, subalit ayon sa pagtaya ng mga human rights organization ay higit sa 20,000 ang mga napatay na biktima na mula sa mahihirap na komunidad.

Si Dela Rosa ang hepe ng Philippine National Police (PNP) sa kasagsagan ng drug war at sa panahon ng malaking pagtaas ng bilang ng umano’y EJK.

Binigyang diin ni Abante ang kahalagahan ng imbestigasyon sa paghahanap ng katotohanan at pananagutan sa mga pagpaslang.

“We are committed to protecting witnesses and supporting victims,” ayon pa kay Abante. “The House of Representatives is here to support you, to safeguard your rights, and to ensure your safety.”

AUTHOR PROFILE