
Lookout order vs Guo ipapatupad
KINUMPIRMA ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco na ipatutupad nila ang immigration lookout bulletin order (ILBO) na inisyu ng Department of Justice (DOJ) laban kay Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Ayon kay Tansingco, saklaw din ng 3-page ILBO ang isang Guo Hua Ping at 17 iba pa.
Ang ILBO na inilabas ng DOJ ay nagmamandato sa mga immigration officers na mag-double check kung may pending arrest warrants laban sa mga indibidwal o anumang paglabag, at i-monitor ang kanilang itineraries pati ang kinaroroonan ng mga nagtatangkang umalis ng bansa.
Alinsunod sa ILBO, ang mga subject nito ay maaaring isalang sa legal processes bago payagang lumabas ng bansa.
Nakasaad din sa kautusan na ihahain din ang precautionary hold departure order.
Sinabi ni Tansingco na naipasok na sa kanilang sistema ang kautusan upang mabigyang impormasyon ang lahat ng BI officer.
Una nang naharang ng BI ang isang Chinese woman na nakapaloob sa ILBO.
Kinilala itong si Zhang Jie, 30-anyos, na nagtangkang bumiyahe patungong Jinjiang, China, sa pamamagitan ng Davao International Airport (DIA).
Dinala na ito sa BI Warden’s Facility habang isinasaayos ang deportation case laban sa kanya.