Posas

Drug suspek nalambat

May 12, 2024 Jojo C. Magsombol 325 views

KAMPO MAJOR/HENERAL LICERIO I. GERONIMO, Taytay, Rizal–Arestado noong Sabado ang pinaghihinalaang tulak ng ilegal na droga dahil sa 220 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit P1.5 milyon na may dala pang baril sa drug buy-bust ng Binangonan Municipal Drug Enforcement Team sa Brgy. Pag-asa, Binangonan, Rizal.

Ayon sa report ni Rizal police director P/Col. Felipe Maraggun kay Calabarzon Police Office director P/Brigadier Gen. Paul Kenneth Lucas, kinilala ang suspek na si alyas Charlie, 40.

Tagumpay ang operasyon na may koordinasyon sa PDEA 4-A matapos magbenta ng isang pakete ng may lamang hinihinalang shabu sa isang pulis na nagpanggap na poseur buyer ang suspek alas-3:30 ng hapon.

Narekober mula sa suspek ang 221.94 na gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1,509,192; isang Smith and Wesson revolver, apat na bala, belt bag, cellphone, pera at buy-bust money.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Binangonan Custodial Facility at nahaharap sa kasong paglabag sa R.A 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at R.A 10591 o Firearms Law.

AUTHOR PROFILE