Suspek

Drug suspek na korner sa buy-bust

November 16, 2023 Jojo C. Magsombol 195 views

KAMPO HENERAL MIGUEL MALVAR, Batangas–Nahuli ng mga pulis noong Martes ang isang pinaghihinalaang tulak ng droga sa buy-bust sa Brgy. Cawongan, Padre Garcia, Batangas.

Kinilala ni Batangas Police Provincial Office Provincial Director Police Colonel Samson Belmonte ang suspek na si alyas Ariel, residente ng nasabing bayan.

Nahuli ang suspek bandang alas-10:10 ng gabi ng Padre Garcia Municipal Drug Enforcement Team (MDET) matapos magbenta ng hinihinalang shabu sa pulis na nagpanggap na buyer.

Nakumpiska mula sa suspek ang apat na sachet na naglalaman ng 3.96 grams ng hinihinalang shabu na may halagang P27,324 at isang kalibre .38 na baril na may limang bala.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10591 (Omnibus Election Code) ang suspek.

“Mahalaga sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan ang pagkumpiska ng ganitong armas para hindi na magamit sa mga ilegal na aktibidad.

Patuloy din po ang ating paalala sa publiko na ipagbigay alam sa mga awtoridad ang mga impormasyon hinggil sa bentahan ng ilegal na droga,” sabi ni Belmonte.

AUTHOR PROFILE