Subic

Driver sa Subic road rage suspended

February 19, 2024 Jun I. Legaspi 285 views

AGAD sinuspinde ng 90-araw ng Land Transportation Office (LTO) ang babaeng driver ng Toyota Fortuner na sangkot sa road rage sa Subic Freeport Zone.

Ayon kay Assistant Secretary at LTO Chief Vigor D. Mendoza II, inatasan sa Show Cause Order na inisyu ni LTO Region 3 Director Ronnie Montejo ang driver at registered owner ng sasakyan na personal na mag report sa LTO Region 3 office pasa sa kaukulang inquiry.

Pinagdadala rin ang mga involved na individual nang kanilang notarized explanation para sa preliminary inquiry, saad ni Mendoza.

“Personal kong tututukan ang kasong ito dahil ang ganitong asal ay hindi gawain ng isang matinong motorista,” ayon kay Mendoza.

“Non-filing or late submission of the answer is deemed an admission of the allegations,” base sa SCO.

Nakasentro ang imbestigasyon ng LTO sa violation sa section 27 ng Republic Act 4136 (Improper Person to Operate a Motor Vehicle) na posibleng magresulta sa pagkakansela ng rehistro ng Toyota Fortuner kung mapapatunayang guilty ang driver.

Nangyari ang road rage alas-10:30 ng umaga noong Peb. 17 sa Binictican Road SBFZ. Agad tumakas ang driver at iniwan ang senior citizen sakay ng Hyundai Eon at kasama nito.

Iniutos na rin ni Mendoza na ilagay sa alarma ang Toyota Fortuner MV File Number Z7N88.

AUTHOR PROFILE