Default Thumbnail

Disiplina sa sarili

October 20, 2021 Vic Reyes 1140 views

Vic ReyesMAGANDANG balita ang patuloy na pagbaba ng kaso COVID-19.

Bagamat bumababa ang kaso marami pa rin ang nangagamba na baka mahawa ng nakamamatay na virus, na naglugmok sa ekonomiya ng buong mundo.

Pero tandaan natin, hindi naman tayo basta mahahawa ng COVID-l9 kung lagi tayong sumusunod sa mga health at safety protocol.

Ito ang social distancing, pagsusuot ng face mask at regular na handwashing.

Hindi mahirap gawin ang mga pag-iingat na ito.

Ang kailangan lang ay disiplina sa sarili at huwag tayo maging pasaway at pilosopo.

Panahon na para simulan ang unti-unting pagbangon ng ekonomiya na pinadapa ng pandemya.

Sa tulong ng lahat, makababalik tayo sa dati nating pamumuhay.

Malapit na natin malampasan ang krisis na ito.

Ang maganda, marami tayong natutunan sa buhay.

Kabilang na rito ang kahalagahan ng pagtutulungan at pagsunod sa mga batas at regulasyon.

***

Tatlong linggo na lang ay magre-retiro na si PNP Chief Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar.

Sa tingin natin, mayroon naman ng napupusuan si Pangulong Rody Duterte at DILG Chief Ed Año na papalit kay Eleazar.

Huwag natin kalimutan na malaking papel ang gagampanan ng bagong hepe ng pambansang pulisya.

Malapit ng magsimula ang official campaign period para sa May 9, 2022 elections.

Sa totoo lang, nakabantay din ang political opposition kung sino ang papalit kay Eleazar.

Siyempre gusto ng oposisyon na maging katanggap-tanggap sa lahat ang susunod na magiging hepe ng PNP

Sa Pilipinas, itinuturing na isa sa most powerful person sa bansa ang hepe ng PNP.

Kaya naman marami ang nananawagan na i-anunsyo na ng Malakanyang ang papalit kay General Eleazar.

Ito ay para maiwasan ang matinding “jockeying of position” sa hanay ng mga kandidato sa pagka-PNP chief.

Tama ba kami, Pangulong Rodrigo Duterte?

***

Kahit sa panahon ng pandemya, may mga kababayan pa rin tayong nagsasamantala.

Kagaya na lang ng masisibang negosyante at drayber ng mga pampasaherong sasakyan.

Nahihirapan na ang taumbayan, nagagawa pa nilang biktimahin ang kapwa.

Sobra silang magpatong ng tubo sa kanilang mga paninda.

Ang mga tricycle driver naman sobrang taas ang pasaheng sinisingil sa mga kawawang pasahero.

Paulit-ulit na ang ganitong mga reklamong tinatanggap natin.

Dapat masampolan ng mga otoridad ang mga nagpapahirap sa taumbayan sa panahon ng pandemya.

Bigyan sila ng matinding leksyon para huwag silang gayahin ng iba.

Kung puwede ay ikulong sila at hindi lang pagmultahin.

Walang puwang sa lipunan ang mga mapagsamantalang tao.

Mga salot sila na dapat mabulok sa kulungan.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #(0969) 037 7083/email:[email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE