
Direk Lino matututukan na ang kampanya, promo ng ‘The Caretakers’
MAS matututukan na ni Direk Lino Cayetano ang kandidatura bilang kongresista sa May elections, pati na ang promo ng bagong Rein Entertainment offering na “The Caretakers”, ngayong kinilala na ng korte ang pagiging residente niya sa unang distrito ng Taguig-Pateros.
Sa kanyang socmed post, pinasalamatan ng direktor-politiko ang korte ng Taguig dahil sa wakas ay tapos na ang usapin ukol sa kasong disqualification laban sa kanya.
Sey ni Direk Lino, “Malugod naming tinatanggap ang desisyon ng Korte ng Taguig na pinagtitibay ang aming paninirahan sa Barangay Ususan at kinikilala ang aming karapatan bilang mga lehitimong residente at rehistradong botante ng Unang Distrito ng Taguig-Pateros.
“Ang hatol na ito ay hindi lamang nagtataguyod ng aming konstitusyunal na karapatang bumoto kundi pati na rin ng pangunahing prinsipyo na ang bawat mamamayan ay may kalayaang pumili
ng kanilang tirahan.
“Ang tagumpay na ito ay hindi lamang para sa amin kundi para rin sa bawat botante na may karapatang lumahok sa demokratikong proseso nang hindi pinagdududahan o ipinagkakait. Kinilala rin ng Commission on Elections (COMELEC) ang pagiging lehitimo ng aming kandidatura, na nagsisiguro na ang aking pangalan ay nararapat na kasama sa opisyal na balota. Isa itong patunay ng aming dedikasyon na maglingkod sa Taguig at Pateros nang may integridad at tapat na paninindigan.
“Sa harap ng tagumpay na ito, magpapatuloy kami nang may panibagong determinasyon, na nakatuon sa mahahalagang isyu na may direktang epekto sa ating mga komunidad-trabaho, kalusugan, edukasyon, kapayapaan at kaayusan, at pangmatagalang pag-unlad. Higit kailanman, nananatili ang aming pangako na makipagtulungan at maglingkod para sa mga mamamayan ng Taguig at Pateros, upang matiyak na ang kanilang tinig ay maririnig at ang kanilang pangangallangan ay matutugunan.
“Lubos ang aming pasasalamat sa aming pamilya, mga kaibigan at tagasuporta na hindi bumitiw sa laban na ito. Ipagpatuloy natin ang pagtataguyod ng malinis at patas na halalan, kung saan nangingibabaw ang demokrasya at tunay na pinapahalagahan ang boses ng taumbayan.”
Bago ang desisyong ito ay humarap si Direk Lino sa entertainment media sa presscon na inorganisa nina Roselle at Keith Monteverde ng Regal Entertainment, Inc.
As we all know, partners ang Rein at Regal sa “The Caretakers,” na pinagbibidahan nina Dimples Romana at Iza Calzado sa ilalim ng direksyon ni Shugo Praico. Showing ito sa mga sinehan simula Feb. 26.
Bilang film producer, madalas sabihin ni Direk Lino na naniniwala ang Rein sa ideya ng partnership/collaboration para maisalba ang industriya ng pelikulang Pilipino.
Aniya, “Naniniwala ako sa kahalagahan ng partnerships. Noong panahon ng pandemya, naging partner ko ang ilang mga mayor na hindi ko kasama sa politika. Bilang producer, saksi ako na
kahit ang mga magkakaribal na produksyon ay nagsama-sama para sa ikabubuti ng mas nakararami.”
Sang-ayon naman dito si Roselle na nagsabing, “Direk Lino and I share so many things with regards to issues and a lot of other matters na hindi pa talaga napag-uusapan ng marami. Kasi we’ve been in this business for a long time, working with my late mom (Mother Lily Monteverde) since many decades ago pa and practically, it’s been my life. So, kumbaga, there are really a lot of issues na hindi pa rin talaga naaayos sa industriya.”
Kailangan umanong maging progresibo ang pag-iisip ng major players para makasabay ang ’Pinas sa Korea, Vietnam, Thailand, na namamayagpag sa global film scene.
“So iniisip namin ni Miss Roselle, a lot of the producers, hindi pwede ‘yung maliit na mga solusyon. Ang iniisip na natin ngayon, ’yung pangmalawakan. Saan tayo in 10 years? And Filipinos have the most talented people all around the world. Filipino entertainers are known for their talents — Filipino directors, Filipino writers… so that’s something na siguro we wanna work with together on a policy level with producers, with Congress,” paliwanag ni Direk Lino.
“Kasi lahat ng ginagawa natin — ginagawa natin, hindi lang para sa atin, kundi para sa susunod na henerasyon,” diin ng direktor.