Ashtine

Ashtine sunod na Sharon, Sarah o Regine ng Viva

February 21, 2025 People's Tonight 233 views

Si Ashtine Olviga ay patungo na sa pagiging isang tanyag na batang aktres sa tagumpay ng Wattpad series at Viva One adaptation na “Ang Mutya ng Section E.”

Sa series ay ginagampanan niya ang female lead character na si Jayjay, katambal ang male lead na si Andres Muhlach.

Patuloy na tinatangkilik ng mas maraming manonood ang “Ang Mutya ng Section E“ dahil sa hindi matatawarang chemistry ng AshDres (Ashtine at Andres) loveteam.

Nagbunga ito ng mas marami pang tagasuporta na nagtulak sa kasikatan ng serye at karamihan ng mga cast nito: Mula sa pagdomina sa TikTok feeds, trending topics at hashtags sa social media, mga in-demand na fan activities na nakatuon sa mga miyembro ng cast, at pati na rin sa pag-garner ng fans globally (Indonesia, Malaysia, Vietnam, India at Middle East).

Si Ashtine ay may malawak na musical background bago pinasok ang pag-arte. Ito ay isang kilalang pormula na matagumpay na pinangunahan ni Boss Vic del Rosario: Ang paghulma ng mga mang-aawit sa pagiging highly bankable actresses tulad nina Sharon Cuneta, Regine Velasquez at Sarah Geronimo.

Nagsimula ang journey ni Ashtine sa showbiz bilang contestant sa Viva talent search at singing competition na “Born to Be a Star” noong 2016. Bagama’t hindi siya nanalo, nagbukas naman ito ng maraming posibilidad tulad ng lumalaking kasikatan ng P-pop.

Naging miyembro siya ng iba’t ibang grupo gaya ng UGG (U Go Girls) noong 2017, PPop Generation (Team A) noong 2019 at LITZ noong 2022. Pero parang nakatakda si Ashtine sa isang solo career dahil kahit nakilala bilang miyembro ng girl groups, kinakitaan siya ng potensyal na maging aktres.

Ang acting career ni Ashtine ay nagsimula sa pelikulang “Miss Granny” (2018) ni Sarah G.

Sinundan ito ng ilan pang mga pelikula tulad ng “Will You Be My Ex?” (2023) ni Julia Barretto at “The Ship Show” (2023) ng MarVen (Marco Gallo at Heaven Peralejo) loveteam.

Naging bahagi rin si Ashtine ng ensemble cast ng iba pang pelikula tulad ng horror movie na “Marita” (2023) nina Louise delos Reyes at Rhen Escaño, at reunion movie nina Janice, Gelli de Belen,
Carmina Villarroel at Candy Pangilinan na Roadtrip (2024).

Siya rin ang gumanap bilang batang Sunshine Dizon sa Philippine adaptation ng hit Korean movie na “Sunny” (2024) kasama sina Vina Morales, Angelu de Leon, Heaven at Bea Binene.

Personal siyang pinili ni Boss Vic para sa “Ang Mutya ng Section E” na tatakbo ng tatlong seasons. Dito ay unti-unting pinatutunayan ni Ashtine na taglay niya ang mga katangian ng magiging next big star ng henerasyong ito.

Ngayon pa lang, sobrang nagpapasalamat na ang dalaga sa Viva at sa lahat ng fans na sumusuporta sa kanya dahil mula sa pagiging singer, eh, mabilis siyang nakikilala bilang isang multimedia at pop culture phenomenon.

Dumoble nga kasi ang following niya sa social media: Facebook, 1.1M; Instagram, 1M; at TikTok, 4.2M bukod pa sa consistent trending topic ang bawat episode release ng “Ang Mutya ng Section E” sa Viva One.

AUTHOR PROFILE