Gatchalian

Digitalization gamitin para teachers’ load gumaan–Sen. Win

February 16, 2024 PS Jun M. Sarmiento 104 views

HINIMOK ni Sen. Sherwin Gatchalian ang Department of Education (DepEd) na gawing bahagi ang digitalization sa pagpapagaan ng workload at alisin na ang mga non-teaching task sa responsibilidad ng bawat guro.

Ipinanawagan ito ni Gatchalian sa pulong kasama ang Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), DepEd at iba pang mga stakeholders.

Tinalakay sa pulong ang DepEd Order No. 2 series of 2024 na nag-uutos na alisin na ang administrative tasks sa mga responsibilidad ng mga public school teachers.

“Kasabay ng pagpapagaan sa gawain ng mga guro ang pagsulong sa digitalization. Hindi natin sila magagawa nang magkahiwalay.

Kaya ang panukala ko gawin nating bahagi ang digitalization sa pagpapagaan ng gawain ng mga guro,” ani Gatchalian, co-chairperson ng EDCOM II.

“Magkano ang kailangan natin? Ano ang roadmap? Pagsikapan nating gamitin ng bawat guro ang kanilang mga laptop upang ilagay ang datos, at upang madaling magawa at mahanap ang mga ulat,” sabi ni Gatchalian kay DepEd Officer-In-Charge of the Office of the Undersecretary for Human Resource and Organizational Development Wilfredo Cabral.

Ayon sa opisyal ng DepEd, nagsimula na ang ahensya na pagbuklurin ang lahat ng mga kasalukuyang information systems.

Dagdag pa ni Cabral, isinusulong na rin sa DepEd ang automation ng mga reports para mas madali ang pagkuha ng datos habang pinapanatili ang seguridad.

Sa ulat na Miseducation: The Failed System of Philippine Education, pinuna ng EDCOM II na patuloy na ginagawa ng mga guro sa mga pampublikong paaralan ang mahigit 50 administrative at ancillary tasks.

Ibinahagi ni Gatchalian ang karanasan ng Valenzuela City.

Noong 2022, ipinamahagi ng lungsod ang mga laptops na may naka-install na #VCGuroAkoApp, isang online portal para sa mas madaling pagsasagawa ng mga gawain ng mga guro, kabilang ang pag-upload, pagbabahagi at paghahanda ng mga ulat.

Matatandaang naghain ang senador ng mga panukalang batas na layong paigtingin ang digitalization sa sektor ng edukasyon, kabilang ang Digital Transformation in Basic Education Act (Senate Bill No. 383).

Maliban sa pagpapatatag ng paggamit ng information and communications technology para sa pag-aaral at pagtuturo, imamandato rin ng panukalang batas na gawing simple ang mga proseso ng DepEd gamit ang digital technology.