
DFA: Pangulo lang may K makipagkasundo ukol sa WPS
NILINAW ng Department of Foreign Affairs (DFA) na walang sinomang miyembro ng gabinete ng pamahalaan ang puwedeng mag-apruba sa anumang mungkahi ng China na may kaugnayan sa Ayungin Shoal na sakop ng West Philippine Sea (WPS).
Ayon sa DFA, tanging ang Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. lamang ang may kapangyarihang magbigay ng pahintulot na pumasok sa isang kasunduan ang Pilipinas sa mga bagay na may kaugnayan sa WPS at South China Sea.
“The DFA wishes to emphasize that only the President of the Republic of the Philippines can approve or authorize agreement entered into by the Philippine Government on matters pertaining to the West Philippine Sea and South China Sea,” ayon sa bahagi ng kalatas na inilabas ng DFA.
Dahil dito, nilinaw ng DFA na walang sinomang opisyal na miyembro ng gabinete ng administrasyon ng Pangulong Marcos ang sumang-ayon sa anumang mungkahi ng China na may kaugnayan sa Ayungin Shoal.
“As far as the Philippine government is concerned, no such document, record or deal exists, as purported by the Chinese Embassy,” nakasaad pa sa opisyal na pahayag ng DFA.
Nauna ng naglabas ng pahayag ang DFA na walang alam ang ahensiya sa sinasabing bagong modelo ng kasunduan hinggil sa alitan sa pag-aagawan ng teritoryo na binabanggit ng Embahada ng China.
Bukod sa DFA, itinanggi rin nina National Security Adviser Eduardo Año at Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr. ang deklarasyon ng China na pumayag ang Western Command ng Armed Forces of the Philippines sa bagong modelo na lulutas sa tensiyong nagaganap sa Ayungin Shoal.