Zubiri

DEPDev Act simbolo ng “Bagong Panahon”

April 15, 2025 PS Jun M. Sarmiento 94 views

PINURI ni Senador Juan Miguel “Migz” Zubiri nitong Martes ang pagpirma sa Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) Act bilang isang “makasaysayang reporma” na, aniya, muling huhubog sa paraan ng bansa sa pagtamo ng paglago sa ekonomiya at pampublikong pamumuhunan.

Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang batas — na opisyal na tinatawag na Republic Act No. 12145 — noong Abril 10, 2025. Sa bisa nito, magiging ganap na ahensiyang nasa antas ng Gabinete ang National Economic and Development Authority (NEDA), na ngayon ay kikilalanin bilang Department of Economy, Planning, and Development o DEPDev.

“Today we start a new era of development planning,” ani Zubiri. “The signing of the DEPDev Act marks the beginning of a more empowered and coordinated approach to economic growth and public investment.”

Bilang tagapangulo ng Senate Committee on Economic Affairs at pangunahing may-akda ng panukala, binigyang-diin ni Zubiri na mahalaga ang bagong batas sa pag-unlock ng buong potensyal ng Pilipinas sa kaunlaran sa pamamagitan ng mas pinagsama-samang paggawa ng polisiya, koordinasyon sa pamumuhunan, at pagpaplano ng imprastruktura.

“This is more than just structural reform, it’s a national victory,” aniya. “We can look forward to better economic planning and implementation, which will translate to more jobs, more income and more development from the ground up.”

Sa ilalim ng bagong batas, magiging pangunahing tungkulin ng DEPDev ang pagbuo at pamamahala ng Philippine Development Plan, Public Investment Program, at iba pang pangmatagalang pambansang estratehiya. Pangungunahan din nito ang pagsubaybay at pag-uugnay ng mga proyektong pangkaunlaran sa lahat ng sektor at antas ng pamahalaan — mula pambansang ahensya hanggang sa mga lokal na yunit ng pamahalaan.

Nagpasalamat din si Zubiri sa mga economic planner, stakeholder, at kasapi ng civil society na tumulong sa pagbubuo ng batas. “To the experts, industry leaders, policy thinkers and public servants who lent their voice to this measure, thank you. You helped us craft a law that is timely, strategic and grounded in the real needs of our nation,” aniya.

Pinuri rin niya ang pamumuno ni NEDA Secretary Arsenio “Arci” Balisacan, na kanyang kinilala sa pagsulong ng panukala sa Kongreso. “I thank and congratulate the DEPDev team… and I have great hopes for the Department’s big plans for the country.”

Sa bisa ng batas, inaasahang magiging mahalagang tagapagpatupad ang DEPDev sa pagtugon sa mga pangunahing hamon matapos ang pandemya — kabilang na ang hindi pantay na pag-unlad sa mga rehiyon, paglikha ng trabaho, at mga kakulangan sa imprastruktura — habang nagsisilbing pangunahing ugnayan ng Pilipinas sa mga international development partner.

“This is about future-proofing our economy,” dagdag pa ni Zubiri. “We’re now giving our planners and economists the tools they need to anticipate global shifts, respond with agility, and deliver inclusive progress for all.”

Magiging epektibo ang batas 15 araw matapos itong mailathala sa Official Gazette o sa isang pahayagang may malawak na sirkulasyon.