
Data base sa OFWs
MAGANDA ang plano ni Department of Migrant Workers (DMW) Sec. Susan ‘Toots’ Ople na magkaroon ng data management ang pamahalaan upang matukoy ang bilang ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs), gayundin ang mga nagnanais nang bumalik sa Pilipinas.
Ayon kay Sec. Ople, mismong ang Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. ang may kagustuhan nito dahil puntirya ng bagong administrasyon na matulungan ang mga OFWs na gusto nang umuwi ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagbibigay ng magandnag trabaho sa kanila o bigyan ng puhunan sa negosyo.
“Nais ni Pangulong Marcos na magkaroon ng mga programa para sa mga OFW na papauwi ng bansa na nais makahanap ng trabaho, mag-retool o reskill at nais maging investor…Ili-link namin sila sa mga programa ng pamahalaan na angkop sa kanila,” ani Sec. Ople.
Sinabi ng Cabinet official na maigting din ang tagubilin sa kanya ng Pangulong Marcos na tutukan ang kalagayan ng pamilya ng mga OFWs.
Sa ganang akin, magandang panimula ang hakbanging ito upang maisaayos ang listahan sa kabuuang bilang ng mga OFWs sa bansa.
Nakalulungkot kasing isipin na sa dinami-rami ng bilang ng OFWs ay wala pang isang matinong data base para sa kanila.
Sa kasalukuyan, may 1.77 milyon ang dami ng bilang ng OFWs, base sa datus ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Naniniwala tayong ang bilang na ito ay hindi eksakto dahil marami ring nagtatrabaho sa labas ng bansa na mga ‘undocumented OFWs.’
Matagal na itong problema ng pamahalaan na ipinalulusot ng ilang illegal recruiter na pinapatulan naman ng ilan nating kababayan dahil sa sobrang kahirapan.
Naniniwala tayong bukod sa tamang pagbibigay ng tulong – o kahit anong klaseng ayuda malaking bagay ang ‘ultimate data base system’ upang magkaroon na rin ng malinaw na listahan para sa kanilang mga pangalan at iba pang mahahalagang impormasyon para sa kanila.
Malaking bagay din ito para sa kanilang kaligtasan at ikapapalagay ng kalooban ng mga kamag-anakan nilang naiwan dito sa Pilipinas.
Maganda ang layuning ito ng Pangulong Marcos at naniniwala tayong maipatutupad ito nang maayos ni Sec. Ople.