Posas

Dalawang nagsiga-sigaan, kalaboso sa pagdadala ng baril

December 26, 2023 Edd Reyes 120 views

SA selda na sasalubungin ng dalawang maton ang pagpasok ng bagong taon matapos silang dakpin ng pulisya sa ginagawang panunutok ng baril sa kanilang barangay Martes ng madaling araw sa Caloocan City.

Hawak pa ng suspek na si alyas “Jose”, 57, ang kalibre .38 revolver na Armscor na naglalaman ng apat na bala habang nakasukbit naman sa baywang ni alyas “Carlos”, 24, kapuwa residente ng Brgy. 178 Camarin, ang walang tatak na kalibre .38 revolver na may tatlong bala nang arestuhin sila ng mga tauhan ng Camarin Police Sub-Station 10 dakong alas-2:40 ng madaling araw sa Villa Camarin Civic Organization (CCO) sa naturang barangay.

Sa ipinarating na ulat ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, nagpapatrulya ang mga tauhan ng Camarin Police Sub-Station 10 sa naturang barangay nang lapitan sila ng lalaki na isa sa tinutukan ng baril ng mga suspek upang isumbong ang paghahasik ng sindak ng dalawa.

Kaagad na nagtungo ang puwersa ng Sub-Station 10 sa tinutukoy na lugar sa Villa CCO at dito nila naaktuhan si alyas Jose na hawak pa ang ipinanunutok na baril na nagresulta sa kanilang pagkakadakip.

Ayon kay Col. Lacuesta, sasampahan nila ang dalawang nagsisiga-sigaan sa kanilang barangay ng kasong paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition sa Caloocan City Prosecutor’s Office.

AUTHOR PROFILE