
Dalagita, 17, pitong taong ginahasa ng ‘pekeng’ dentista
LUCENA CITY – Inaresto ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang umano’y pekeng dentista dahil sa kawalan nito ng lisensya sa pagbubunot, at sa paggahasa sa menor de edad na anak ng kanyang kinakasama sa Mauban, Quezon.
Kinilala ni Atty. Bernard de la Cruz, agent-in-charge ng NBI-Lucena District Office, ang inarestong suspek na si alyas Conrado, 59-anyos, high school graduate at residente ng nasabing bayan.
Matapos maaresto ang suspek, sinabi ni de la Cruz na ang live-in partner nito ay lumapit kay NBI Special Investigator Elbert Maliwanag na siyang agent on case at nagbulgar ng isang nakakagulat na sikreto.
“Sinabi niya (babaeng live-in partner) kay Agent Maliwanag na malaon nang inaabuso at minomolestiya ni (suspek) ang kanyang 17 taong gulang na anak, simula pa nang ito ay 11 taon pa lamang ang edad,” wika ni de la Cruz.
Sa kanyang pagtatapat, sinabi ng biktima kay Maliwanag na bukod sa panggagahasa ay malimit din siya nitong hinahalay. Ipinapasubo umano sa kanya ng suspek ang ari nito. Pinakahuli umano siya nitong ginalaw ay noong nakalipas na June 8.
Subalit dahil sa takot na baka saktan ng suspek ang kanyang ina, napilitan umano ang biktima na manahimik na lamang. Malimit umano siya nitong binabantaan na papatayin ang kanyang ina sakaling siya ay magsalita.
Ayon pa sa biktima, minsan niyang nakita na sinasaktan ng suspek ang kanyang ina at halos tagain na niya ito ng hawak na itak habang nag-aalburoto sa galit.
Gayunman, ipinagtapat din daw niya ang lahat sa kanyang ina noong nakalipas na July 21.
Sa isinagawang genital examination ng biktima sa Quezon Medical Center, lumabas na nagalaw nga ang kaselanan nito.
Kasalukuyang nakapiit sa detention cell ng NBI-Lucdo sa lunsod na ito ang suspek.
Maliban sa paglabag sa Philippine Dental Act of 2007, sinabi ni de la Cruz na ang suspek ay kinasuhan din ng child abuse, rape at acts of lasciviousness sa Provincial Prosecutor’s Office.