Cristy

Cristy ’di nagpapaapekto sa demanda ng nanay ni Sarah

March 14, 2024 Vinia Vivar 152 views

Si Cristy Fermin na mismo ang kumumpirma na sinampahan siya ng cyber libel ng ina ni Sarah Lahbati na si Esther Lahbati.

Matatandaan na kamakailan ay nag-post si Gng. Lahbati sa Instagram ng larawan nila ng mister na nasa harap ng Department of Justice (DOJ).

Caption ng nanay ni Sarah, “#Finally na post ko na rin itong picture na to taga rito ako sa Philippines ngayon lang ako naka pag pa picture dito sa DOJ.”

Dahil dito ay marami ang nagtanong kung sino ang kinasuhan ng mag-asawa. May mga nag-speculate pa na baka ang estranged husband ni Sarah na si Richard Gutierrez ang idinemanda nila.

May nagsabi rin na baka may kinalaman sa annulment case ang pagpunta sa DOJ ng mga magulang ni Sarah.

Ayon kay ‘Nay Cristy, sila ang kinasuhan ni Gng. Lahbati.

“Tutal sa kanya na rin naman po ito nanggaling, kami na po ang kukumpirma. Kami pong tatlo ang idinemanda ng cyber libel ng mag-asawang Abner at Esther Lahbati,” ani ‘Nay Cristy.

Ang dalawa pang kinasuhan ay ang co-hosts niyang sina Romel Chika at Wendell Alvarez.

“Hindi na po namin idedetalye pa ang mga dahilan kung bakit kasi ang abogado po namin – sina Atty. Ferdie Topacio at Atty. Ralph Andrada — ang nakakaalam po ng mga detalye nito,” dagdag niya.

Nagkaharap na umano silang minsan ni Aling Esther at may mga susunod pa. Naging maayos naman ang paghaharap nila sa piskalya ng Quezon City.

“Kami po ‘yun (ang sinampahan). ‘Wag na po kayong manghula na baka may sinampa sila laban kay Richard Gutierrez,” sey pa ni ‘Nay Cristy.

Hindi umano apektado ang batikang manunulat/TV/radio host sa kasong isinampa sa kanya.

AUTHOR PROFILE