Christine

Cristine naloko ng kalahating milyon

June 26, 2024 Vinia Vivar 73 views

Ibinahagi ni Cristine Reyes sa Instagram followers ang panlolokong ginawa sa kanya ng ilang tao sa halagang kalahating milyong piso.

Ipinost ng aktres ang mga larawan ng isinagawa niyang charity project recently. Aniya, masaya siya na marami silang natulungan.

But at the same time, nalungkot din siya dahil naalala niya ang nangyari noong 2021 na may humingi ng tulong para mangalap ng donasyon para sa mga batang may sakit pero it turned out na bogus lang ito.

Nakalikom siya ng mahigit kalahating milyon noon pero pagkatapos ibigay ang pera, hindi na niya nabalitaan pa kung ano ang nangyari.

“Nahihiya ako sa mga nagbigay ng donasyon at nalulungkot ako na minsan ay nagamit ako ng mga ibang tao na nagsabing ibibigay nila ang tulong na iyon para sa mga batang may malubhang sakit,” patuloy niya.

Kasunod nito, nag-sorry siya sa mga nahingan niya ng tulong noon.

Ipinagpasa-Diyos na lang daw niya ang nangyari pero nag-iwan ito ng matinding aral sa kanya.

“Magsisilbing aral iyon sa akin. Ako ay nag-tanda. Maraming tao ang magpapanggap at mang-aabuso. Bahala na sa inyo ang may kapal,” sey ng aktres.

“Malungkot man isipin na ngayon maliit lamang ang aking naipon para naman sa mga kapwa natin sa NCMH. Alam ko malinis ang aking hangarin para tumulong. Kahit maliit lamang ang aming naipon ngayon, okay lang. Kasi itong maliit na salu-salo na ito ay naging masayang araw para sa amin lahat,” pahayag pa ni Cristine.

AUTHOR PROFILE