Default Thumbnail

Cong. Dan Fernandez: Bigyan ng 20% discount seniors sa traffic violations

October 6, 2022 Marlon Purification 259 views

Marlon PurificationGUSTO ko ‘tong panukalang batas ni Sta. Rosa City Rep. Dan S. Fernandez na naglalayong bigyan ng 20 percent discount ang mga senior citizens na lumalabag sa batas trapiko.

Bakit ba naman hindi eh ang laking bagay nito para sa ating mga lolo at lola na hanggang ngayon ay nagmamaneho pa at patuloy na nakikipagpambuno sa sikip ng daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan sa bansa.

Ang House Bill 5402 na inihain ni Fernandez ay humihiling ng pag-amyenda sa Republic Act No. 7432 o Senior Citizens Act upang bigyang-daan ang kanyang panukalang makakuha ng discount ang mga ‘tanders’ sakaling lumabag sa batas trapiko.

Inihain ni Fernandez ang panukalang ito nito lamang nakalipas na Martes, October 4, kaalinsabay sa pagdiriwang ng ‘Elderly Filipino Week’ na nagsimula noong October 1-7.

Ang magaling na actor-kongresman ang kasalukuyang chairman ng House Committee on Public Order and Safety.

“In furtherance of the laudable Filipino consciousness that our elderlies still have much to contribute to nation-building, this bill further accords our senior citizen-drivers the privilege of enjoying a discount of 20 percent on traffic fines that may be imposed upon them,” ani Fernandez sa explanatory note ng kanyang legislative proposal.

Ipinaliwanag ng mambabatas na sa kabila ng taglay na edad, maaaring ilan sa mga lolo at lola nating nagmamaneho ngayon ay hindi na rin ganun katalas para masunod ang batas trapiko.

“Elderly Filipinos driving jeepneys and cabs are still common sights on the road. Many seniors also drive their apos to school, in reporting for work or simply as designated driver of the family,” anang Laguna lawmaker.

“However, an elderly citizen’s driving reflexes, instincts and skills are no longer the same as what they used to be during his or her youth. Bumagal at hindi na sila as sharp as before kaya minsan ay nagkakamali na sila sa pagmamaneho,” paliwanag pa niya.

Dahil dito, marapat lamang na maging ‘mapagbigay’ ang pamahalaan o estado para bigyan naman ng diskuwento ang mga senior citizens sa bansa.

Ang diskuwentong ito ay malaking bagay tiyak sa mga senior citizens, particular na ang mga mahihirap o hindi masyadong nakatatanggap ng magandang benepisyo sa kanilang pagtanda.

“Given the usual small amount of such charges (fines), it may be argued that whatever revenue loss to the government that might arise from the proposed discount, this would be far outweighed by the benefit of promoting the welfare and morale of our senior citizens,” paliwanag pa ni Fernandez.

Sakop ng HB 5402 ang lahat ng penalty at multa ng mga traffic violations na ipinatutupad pareho ng national government agencies at local government units.

Sakaling maging batas, inaatasan ang hepe ng Land Transportation Office at chairman ng Metro Manila Development Authority na balangkasin ang implementing rules and regulations na tunay na malaking tulong hindi lamang sa mga senior citinzens, kundi pati na rin sa mga kaanak na kumakalinga sa kanila.

Sa ganang akin, kung sino man ang nagpayo nito kay Cong. Fernandez ay napaganda nito.

Marami tayong mambabatas, national o local man, ang patuloy na nag-iisip kung ano pa ba ang puwedeng ibigay sa mga senior citizens bilang benepisyo at ang 20 percent discount sa traffic violations ay tunay na napakaganda.

Marami tayong kilalang mga senior citizens ngayon ang patuloy na nagmamaneho at aminado dahil sa sobrang sikip ng daloy ng trapiko ay hindi nila maiwasang magkaroon ng kaunting paglabag dahil na rin sa taglay nilang edad.

Harinaway mabigyang suporta ito ng iba pang mambabatas mula sa Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso.