Pia

Clinical lab ng UPCM ‘game changer’–Sen. Pia

September 23, 2023 PS Jun M. Sarmiento 468 views

MAITUTURING na “game-changer” sa medical education at training ang makabagong Clinical Simulation Laboratory ng University of the Philippines College of Medicine (UPCM), ayon kay Sen. Pia Cayetano.

Pinangunahan ng senadora ang pagpapasinaya sa naturang pasilidad noong Setyembre 20 sa UPCM campus sa Maynila.

Ayon kay Dr. Maria Julieta Germar, direktor ng laboratoryo, sasanayin nito ang medical students sa iba’t ibang clinical scenarios, gaya ng cardiac arrest at panganganak, gamit ang programmable mannequins bilang ‘pasyente.’

Paliwanag pa ni Dr. Germar, matututo ang mga estudyante sa ‘diagnosis’ at ‘panggagamot’ sa mga mannequin, habang pinoprograma ito ng kanilang propesor na tumugon sa inilalapat na ‘medical treatment.’ Sa ganitong paraan, direktang natututo ang mga estudyante sa isang ligtas at virtual environment.

Unang iprinisinta kay Cayetano ang Clinical Simulation Laboratory bilang proyekto ng UPCM may dalawang taon na ang nakalilipas. Ito’y noong magpatawag ang senadora ng pagdinig ukol sa “futures of health” sa ilalim ng Senate Committee on Sustainable Development Goals, Innovation, and Futures Thinking.

“Nakita ko noon ang kahalagahan na mapondohan ang ganitong uri ng laboratoryo para maipakita natin sa ating mga kababayan kung paano pwedeng iangat ang antas ng healthcare sa bansa, gamit ang makabagong kaalaman at teknolohiya,” paliwanag ni Cayetano.

Idiniin nya na naging posible ang pagpopondo sa proyekto sa tulong ni Senate Finance Chair Senator Sonny Angara. Inihayag ng senadora ang halaga ng mga kahalintulad na proyekto para sa kanya, bilang isang mambabatas na nagsusulong ng kalusugan at “futures thinking.”

“Dahil sa mga ganitong uri ng proyekto, mas makikita at maipa-plano natin ang hinaharap na nais nating tunguhin para sa sektor ng kalusugan,” aniya.

“Mabilis na hinuhulma ng makabagong teknolohiya, gaya ng virtual reality at artificial intelligence, ang siyensya ng medisina,” paliwanag pa nya.

“Congratulations sa lahat! Mahaba ang ating pinagdaanan, at karangalan ko na maging bahagi nito. Ang laboratoryong ito ay isang simula lamang; isang ‘game-changer’ na magbubukas ng mas marami pang oportunidad sa pagsasanay at pagtuturo sa ating medical students,” pagtatapos ni Cayetano.

“Ang laboratoryong ito ay isang simula lamang; isang ‘game-changer’ na magbubukas ng mas marami pang oportunidad sa pagsasanay at pagtuturo sa ating medical students.” Ito ang pahayag ni Sen. Pia S. Cayetano nang pangunahan nya ang pagpapasinaya sa makabagong Clinical Simulation Laboratory ng University of the Philippines College of Medicine sa Maynila.