Sharon

Christmas wish ni Sharon, maayos ang tampuhan ng mga anak

December 23, 2023 Vinia Vivar 127 views

Inamin ni Sharon Cuneta na may tampuhan nga ang kanyang mga anak ngayon at wish niya na maayos na ito.

Sa guesting ng Megastar sa Magandang Buhay nitong Biyernes ay natanong siya kung anong Pasko ang gusto niyang balikan at sey niya, ‘yung time na kumpleto ang kanyang apat na anak.

Ngayong taon nga kasi ay hindi sa kanya magpa-Pasko ang panganay na anak na si KC Concepcion kundi sa amang si Gabby Concepcion.

“Kasi first time si KC magki-Christmas sa Papa niya this year. So first time sa tanang buhay ko at buhay niya na hindi ko siya kasama (sa Pasko). Kasi first time naman nila so it’s okay. Siyempre anuman ang sabihin nila, anak ko ‘yon. Apat ang anak ko, eh, hindi tatlo,” ani Sharon.

She added, “At saka may mga tampu-tampuhan silang magkakapatid, wish ko ay maayos naman. Normal naman yata ‘yon.”

Hindi na in-elaborate pa ni Sharon kung sino sa mga anak niya ang may tampuhan, pero matatandaang in-unfollow ni KC ang kapatid na si Frankie Pangilinan at stepfather na si Kiko Pangiinan noong Agosto.

AUTHOR PROFILE