Carlo

Carlo sa Thailand nag-propose

June 26, 2024 Vinia Vivar 94 views

Matagal na palang engaged sina Carlo Aquino at Charlie Dizon bago pa man sila ikasal noong June 9.

Matatandaan na hindi man lang napabalitang nag-propose si Carlo kay Charlie kaya marami ang nagulat nang ikasal sila.

Sa isang panayam sa mag-asawa, inamin nila na April, 2023 pa sila engaged.

Nagpunta sila sa Thailand para sa Songkran Festival at birthday din ni Charle that time.

“’Di ko in-expect na magpro-propose siya du’n kasi wala pa rin kaming one year nu’n,” sey ng aktres.

Ang plano raw niya ay i-celebrate ang kaarawan by having a fun street party kasama si Carlo at ang kanyang mga kaibigan.

Hindi niya alam na nagpaalam na ang boyfriend sa kanyang pamilya via video call na magpo-propose na siya.

Bago ‘yun ay na-meet na ni Carlo ang parents niya nang mag-isa itong pumunta ito sa US.

“Ta’s pumunta siya sa family ko nu’n. Ta’s ’yun, du’n siya nagsabi na balak niyang manligaw,” lahad ni Charlie.

“So, ’yun, nu’ng una, ’yun pa lang. Tapos biglang next year, nag-propose!” sey pa niya.

Kwento naman ni Carlo, nag-video call sila ng parents ni Charlie habang nasa traffic siya para bumili ng engagement ring.

“Nakakatawa ’yung video call with her parents at saka sisters. So from Commonwealth going to Makati, magkausap kami. Sobrang traffic. Three hours kaming magkausap, tapos ayaw maniwala ng mom niya na magpro-propose na ako,” kwento ng aktor.

Sey naman ni Charlie, “yeah. Kasi nga parang iniisip nila, ‘Are you guys sure, kasi bago pa kayo?’ But hindi ko alam lahat ’yun. So nu’ng nag-propose, nakakatawa. Kasi ’yun ’yung worry ko, if alam ba ng family ko. Kasi siyempre, mag-isa ako dito sa Philippines.”

As for the proposal, naganap daw ito sa isang fine dining restaurant sa Bangkok.

“Du’n ako nag-propose. Nagpatulong ako du’n sa best friend ko na Thai. Tapos, ayaw niya pang magsuot ng maayos nu’n. So sabi ko, ‘Mag-dress ka! Kami, naka-polo kami, ’tsaka fine dining ’yun,’” tsika ni Carlo.

“Actually, nu’ng sinabi niyang fine dining, du’n lang ako napa-dress. Kasi feeling ko, baka hindi ako papasukin,” sabi naman ni Charlie.

“Ayaw niyang mag-dress. So sabi ko, ‘Kailangang mag-dress ka na.’ So finally, napilit ko siya, ta’s dinala na namin siya doon,” sey ni Carlo

“So busog na busog kami. Tapos nu’ng paalis na, sabi ko sa kaniya, ‘Ano nang plano natin? Ano nang next step?’” dagdag ng aktor.

Sabi naman ni Charlie, “So kaharap ko ’yung best friend (ni Carlo). Pagtingin ko, nakaluhod na siya. So ’yun pala, magpro-propose siya. So hindi ako makapaniwala!”

Kwento pa ng aktres, hindi pa nga siya nakasagot ng ‘yes’ agad.

“Akala ko, nag-‘yes’ agad ako. Ta’s hindi pa pala. So parang sabi niya, ‘So ano’ng sagot?’ Sabi niya, ‘Kasi lahat ’to alam na ng lahat. Don’t worry!’”

“So du’n ko sinabi, ‘Oo naman!’ Akala ko nag-‘yes’ talaga ko in my mind. ’Yung parang ganu’n, sa sobrang taranta ko,” pagre-recall ng aktres.

Kwento pa ni Charlie, talagang hindi siya makapaniwala na nag-propose sa kanya ang boyfriend.

“Nakakatawa kasi hindi ako naniniwala nu’ng nag-propose siya. So like lahat nu’ng kasama namin, tinatanong ko na ‘prank ba ’to? ’Wag n’yong gagawin ’to sa’kin!’

“Nu’ng sinabi niya na ‘totoo, napaalam na ’to sa family mo,’ ganyan, eh, ’di okay, go na! Ilang beses ko nang na-taping ’yung magpro-propose. Pero ’yung real thing, ibang-iba. As in sobrang nanginig ’yung tuhod ko. As in ganu’n ’yung feeling,” lahad pa ni Charlie.

AUTHOR PROFILE