
Carla, nagsalita na sa hiwalayan nila ni Tom
“I was disrespected. I was betrayed. I was lied to. I was used. I was shamed. I was made to look so stupid. Kung sana hanggang du’n lang po makakabangon din po ako balang araw.”
’Yan ang mga binitawan ni Carla Abellana sa kauna-unahan niyang pagsasalita tungkol sa hiwalayan nila ng husband of three months na si Tom Rodriguez early this year.
Nag-ugat ang pagsabog ng Kapuso actress sa paninita ng dalawang netizens sa kanyang YouTube channel kung bakit niya ni-like ang “cheating” post ni Ai-Ai de las Alas sa Instagram at kung bakit niya binura ang komento nito.
Paliwanag ni Carla, “Ayaw ko lang po ng negativity.
“Opo, nag-like po ako, pero yun lang po ang ginawa ko. Hindi ko na po yun inulit. Nag-like po ako pero hindi ko po ginawa ng paulit-ulit at nang matagal.
“Ang taong lubos na nasaktan hirap pong pigilang hindi ilabas ang galit sa anumang paraan.”
Nadamay din sa isyu ang pamilya ni Carla kaya naman hindi na ito nakapagpigil pa sa pagsasalita.
Aniya, “Pero para gawan pa po ako at ang pamilya ko ng mas marami pang kasamaan at kataksilan sa mga sumunod na araw, linggo at buwan, sobra sa sobra na po ang sakit at pagdurog ng puso at pagkatao ko.
“Wala po akong ibinigay kay Tom kundi tunay na pagmamahal, respeto, pag-aalaga, pag-aaruga, pag-unawa, pagtitiis, sangkatutak na pagpapatawad, milya-milyang pasensya, paniniwala, pagtiwala, pag-aasikaso, pag protekta, lahat lahat na.”
Ayon pa sa aktres, mahigit pitong taon niyang ibinigay kay Tom ang buong buhay niya at wala siyang ginawang masama rito.
“Binigay ko po buong buhay ko sa kanya. 7 na taon po akong bawal magalit, magtampo, masaktan, mabigo, malungkot, madismaya dahil hindi po pwede.
“Makakatikim po ako kahit subukan ko pong ipaliwanag sa kanya na nasasaktan niya ako at hindi po tama ang mga ginagawa niya.
“Paulit-ulit ko pong pinapaalala sa kanya na hindi po ako kalaban at mabuti po ang kalooban at intensyon ko.
“7 na taon pong naipon sa loob ko lahat yun. Gustuhin at kailangan ko man pong ilabas, lubos na nakakakatakot po.”
Gaya raw niya, pinayuhan niya si Tom na kumonsulta sa isang doktor para ma-check ang kung anumang kondisyon nito.
Pero tumanggi ang asawa niya.
Ganu’n man ang sitwasyon, sumige pa rin daw si Carla sa pagpapakasal kay Tom.
Aniya pa, “Ilang beses ko po siyang hinikayat na magpatingin, magpagamot at magpagaling dahil yun din po ang gumana sa akin. Pero wala pa rin po.
“Tinanggap ko pa rin po siyang ng walang pagdududa kahit wala pong pagbabago. Hinarap ko po siya sa altar. Buong puso po akong determinadong alagaan ang pagsasama at pagmamahal namin, at panindigan ang mga sinumpaan namin sa harap ng Diyos.
“Sa dami po ng binigay ko kay Tom wala na pong natira sa ’kin.
“Galit, pride at ego ko siya na rin po ang kumuha sa ’kin at hinayaan ko naman pong kunin din po niya. Pinaglaban ko po siya ng lagpas sa 7 na taon.
“Kahit po kung tutuusin wala pa po yung pag-like sa iilang comments na yun kumpara po sa nagawa niya sa akin at sa aming lahat, at sa lahat-lahat pa po ng ginawa niya at ginagawa niya.
“Sa lala po ng sakit, pambabastos, panloloko, pandudurog, paninira, panggagamit at pagtataksil po niya, mga tinago niya, napakadali pong ibalik sa kanya sa paraan ng pagganti.
“Pero hindi po ako ganu’n. Hindi po ako bobo. Hindi po ako lalaban kahit tapak-tapakan na po ako ng husto. Hindi po ako mababaw.
“Hindi po ako masamang tao. Kung ano po ang nakikita, naririnig at nababasa ninyo online ay kakarampot lang po ng hindi po ninyo nakikita, naririnig at nababasa kapag wala pong kahit anong camerang naka-record.
“Kapag sarado na po ang pinto sa pamamahay po namin at wala na pong ibang nakakakita. Hindi po ako masamang tao tulad ng sinasabi, nararamdaman, naririnig at nakikita po ninyo online, sa TV, etc…
“Pinalaki po ako ng nanay at lola ko na marunong rumespeto, umunawa, magmahal, magpatawad, magpasalamat, magpakumbaba, at higit sa lahat may takot po siya Diyos.”
Maliban sa pagsasalita, napabalita ring inihahanda na ng kampo ni Carla ang mga papeles para sa annulment ng kasal nila ni Tom.
Si Tom naman, nitong mga nagdaang araw, nagsabi na hindi niya maibigay ang kanyang panig sa totoong dahilan ng hiwalayan dahil umano sa gag order na hiniling ng partido ni Carla.