Default Thumbnail

CABUYAO LGU NAG-IIMBESTIGA

March 25, 2023 People's Tonight 251 views

Matapos mahilo, himatayin ng mga estudyante 

IPINANGUNAHAN ng city government ng Cabuyao ang pagsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa pagkahilo ng mga estudyante, at hinimatay pa ang iba, habang isinasagawa ang earthquake at fire drill sa Gulod National High School Extension, Mamatid Senior High sa Bgy. Mamatid sa Cabuyao City sa Laguna nitong Marso 23.

Ayon kay Cabuyao police chief PLt. Col. Jack Angog, isinugod sa pagamutan bunsod ng hindi inaasahang pangyayari ang may 120 estudyante na dumanas ng pagkahilo at may hinimatay pa dahil sa init ng panahon habang isinasagawa ang kautusan ng Department of Education.

Halos may 2,000 estudyanteng ipinapasok sa iba’t-ibang silid-aralan, kaya ang iba’y dumanas ng mainit na pakiramdam sa loob ng mga kuwarto, habang naghihintay ng go signal bago palabasin sa ground level habang isinasagawa ang fire at earthquake drill ng 3:30 ng hapon.

Nabatid mula kay City Disaster Risk Reduction and Management Chief Bobby Abinal Jr. na hinimatay at nahilo ang mga estudyante dahil sa kakulangan ng tubig.

Mga ilang minuto bago palabasin sa classroom ang mga estudyante ay may mga hinimatay at nakaramdam ng pagkahilo kaya’t agad humingi ng saklolo ang mga guro sa mga barangay para madala sa ospital ang mga estudyante.

Isinugod sa Cabuyao City Hospital ng rescue ambulance ang mga estudyante. Ipinalabas na rin naman ang mga ito sa ospital matapos na magamot.

Sinabi ni Dr. Glicerio Zamora III, ang medical director ng Cabuyao City Hospital, isa na lamang na estudyante ang kanilang ni-request para sa confinement para ma-monitor ang panic attack na kaniyang nararamdaman.

Sa isinagawang assessment ng mga attending physicians, ang pangyayari ay bunsod ng mainit na temperatura at kapaguran ng mga nakiisa sa aktibidad.

Samantala, ayon naman kay Cabuyao City Mayor Dennis Hain, kung magsasagawa ang mga paaralan ng ganitong aktibidad ay kinakailangang ipaalam sa kanilang tanggapan upang hindi na muling maulit ang insidente.

AUTHOR PROFILE