Default Thumbnail

Buti nang maagap ang Pangulo

May 22, 2023 Paul M. Gutierrez 317 views

PaulNANAWAGAN si Pangulong Bong Bong Marcos sa kaniyang Youtube vlog ng pagtitipid sa mga mamamayan sa pagkonsumo sa tubig at kuryente dahil sa banta ng El Nino sa bansa. At dahil naging panawagan ito ng Pangulo tiyak na nakikita nila ang magiging malalang epekto nito.

Kaya naman ngayon pa lamang nagiging maingay na ang gobyerno dahil nakita na at naranasan na natin ang hirap ng walang tubig partikular noong 2019 na halos matuyo ang La Mesa Dam. Ito ay talagang nagpahirap partikular sa mga residente sa Metro Manila.

At saan napunta ang sisi, hindi ba sa gobyerno pa rin? Dahil alam nating pagdating ng mga ganitong problema limitado lamang ang magagawa ng gobyerno dahil ito ay gawa ng kalikasan. Pero dahil ang gobyerno ang inaasahan ng mga mamamayan ay walang ibang sisisihin kundi ang pamahalaan.

Bakit kailangan natin itong bigyan ng diin? Ngayon pa lamang ay iniuulat na na bumaba ng 35 porsiyento ang pag-ulan sa bansa na nakakaapekto sa naiipong tubig ng mga dam. Ito’s sa kabila ng patuloy na pagtaas ng pangangailangan sa tubig.

Ngayon pang tumitindi ang init ng panahon na nakapagtala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAG-ASA ng nakamamatay na init sa bansa na aabot sa 51OC! Hindi na po talaga iyan normal.

Isa pang mahigpit na binabantayan ngayon ay ang sektor ng agrikultura sapagkat tiyak na maaapektuhan nito ang produksyon sa bansa. Kapag nagkulang ang produksyon ay tiyak ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Mahihirapan na naman ang mga mamamayan.

Kung mag-aangkat sa ganitong panahon ay lalong magiging mahirap para sa ating mga magsasaka at sa ating bansa dahil maglalabas na naman tayo ng ating reserbang dolyar.

Kaya naman sa bumabatikos na mas kailangan umanong pagtuunan ng pansin ng Pangulo ang mas mahahalagang bagay ay masasabi po nating mahalagang bagay po ang paghahanda para sa El Nino at hindi po ito magagawa ng gobyerno lamang.

Dahil hindi lamang po pagtitipid ng tubig ang kailangan nating maunawaan. Kundi maging ang mga malalang epekto nito sa atin. Sa ngayon na parang nakikita natin ay may mga tubig pa tayo, pero kapag naulit ang scenario noong 2019 na matuyo ang La Mesa dam, tiyak sa gobyerno din ang sisi ng mga mamamayan.

Sa tingin natin ay maganda na napapangunahan ngayon ni PBBM ang kampanya sa pagtitipid ng tubig upang mabawasan kundi man mapigilan ang epekto ng El Nino sa bansa. Alam natin kung gaano kahirap at kapaminsala din ang matinding init ng panahon.

At alam din ni PBBM na may malaking responsibilidad ang mga mamamayan na maikiisa sa ganitong panawagan sa pagharap sa inaasahang problema. Maganda na naging maagap ang Pangulo at naisama kaagad ang mga mamamayan sa krusada na ito.

Nakatitiyak po tayo na hindi magiging madali ito dahil maging ang mga mamayayamang mga bansa ay nahihirapan sa pagharap sa delubyo ng El Nino, tayo pa kaya? Pero kung masisimulan ang paghahanda para dito at nariyan ang kooperasyon ng mga mamayan ay tiyak anumang hirap ay gagaan.

Kaya naman mabuti na naging maagap ang Pangulo kesa kung kailan ubos na ang tubig sa dam ay doon pa lang mananawagan ng pagtitipid ay tiyak na sisi talaga ang aabutin ng gobyerno.

Kaya ngayon masasabi nating umpisa pa lang ay nagsalita na ang gobyerno at inaasahan na lang na makiisa ang mga tao. Kung talagang ayaw, wala na siguro tayong dapat pang ibang sisihin kundi tayo.

AUTHOR PROFILE