Aksidente Ang pinangyarihan ng aksidente. Source: Quezon PNP

Bus inararo 2 bahay, trike, MC, poste; driver dedo

April 10, 2024 Zaida I. Delos Reyes 95 views

PATAY ang isang drayber habang siyam na tao ang nasugatan matapos na araruhin ng isang pampasaherong bus ang dalawang bahay, tricycle, motorsiklo, poste ng Meralco at puno ng mangga nitong Martes ng gabi.

Nakilala ang nasawi sa alyas na Manuel, 35-anyos at drayber ng Del Monte Land Transport Bus Co. o DLTB bus.

Isinugod naman sa Quezon Medical Center sa Lucena City ang walong pasehero ng bus at isang residente na si Elisa Balein, 67-anyos.

Batay sa ulat ng pulisya sa Quezon, naganap ang aksidente dakong 10:15 ng gabi sa Maharlika Highway, Sitio Mangrove, Barangay Ibabang Palsabangon sa naturang bayan.

Minamaneho ni Manuel ang DLTB bus na may plakang TYZ 553 mula Manila patungong Bicol Region nang maganap ang aksidente.

Habang binabagtas ang pakurbang bahagi ng Maharlika Highway ay nawalan ng kontrol sa manibela ang drayber, dahilan upang araruhin nito ang dalawang bahay, tricycle, motorsiklo, poste ng Meralco at puno ng mangga sa gilid ng kalsada.

Dahil sa lakas ng impact ng pagkakabangga, dead on the spot ang drayber habang nasugatan naman ang kanyang mga pasahero at isang residente ng lugar.

Labis ding napinsala sa aksidente ang bahay nina Jemerson Amo, 41-anyos; Celine Pulgar Reyes, 67-anyos; at Emilio Madulin Balin, 68-anyos.

Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa aksidente.