
Buntis, 3 menor de edad patay sa Batangas landslide
ISANG 28-anyos na buntis at tatlong menor de edad na 9, 13, at 15 anyos ang nasawi sa pagguho ng lupa sa Sitio Manalao, Brgy. Sublic Ilaya, Agoncillo, Batangas, ayon sa report ng lokal na pulisya.
Patuloy ang ginagawang pagsaklolo ng mga kinauukulan sa mga residenteng naapektuhan ng mga pagbaha.
Samantala, idineklara ni Gobernador Hermilando Mandanas na suspendido ang klase sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa buong probinsya ng Batangas nitong Hulyo 24, 2024, dahil sa masamang panahon dala ng enhanced southwest monsoon (habagat) at Bagyong Carina.
Ang mga seminar, kumperensya, pagpupulong, at mga katulad na aktibidad ay sinuspinde rin sa lalawigan hanggang sa susunod na abiso.
Ito ay sa assessment at rekomendasyon ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), Vice Governor Mark Leviste, at miyembro ng Sangguniang Panlalawigan.
Samantala, ang mga employer, empleyado at lahat ng manggagawa ay mahigpit na pinapayuhang gumawa ng pinakamaingat na mga hakbang upang maprotektahan ang kapakanan ng kanilang mga pamilya, buhay, kalusugan at mga ari-arian.