Kanlaon

BULKANG KANLAON, SUMABOG

June 4, 2024 Zaida I. Delos Reyes 597 views

ITINAAS na sa alert level 2 ang paligid ng bulkang Kanlaon sa Negros Oriental kasunod ng malakas na pagsabog nitong Lunes ng gabi.

Batay sa update na inilabas ng Philvolcs, dakong 6:51 ng gabi ay nagbuga ng makapal na usok ang bulkan na umabot sa 5,000 metro ang taas at tumagal ng anim na minuto.

Agad namang ipinabatid ni Canlaon City Mayor Jose Chubaso B. Cardenas sa kanyang nasasakupan ang insidente upang agad na makapaghanda ang mga ito.

Pinayuhan din ng alkalde ang mga residente ng Barangay Masulog, Malaiba, Lumapao at Pula na lumikas at magtungo sa mga evacuation centers.

Paalala ni Cardenas sa kanyang mga kababayan, manatiling kalmado at handa sa anomang kaganapan kasabay ng pagtiyak na patuloy silang naka-agapay at handang matulungan ang bawat isa sa ganitong uri ng kalamidad.

Naka-alerto rin aniya ang local na pamahalaan at iba pang ahensya ng gobyerno at pinag-uusapan kung kinakailangan bang ilikas ang lahat residente sa lungsod para sa kanilang kaligtasan.

Sa datos na inilabas ng Regional Disaster Risk Reduction ang Management Council – Western Visayas kaninang umaga, nasa 368 pamilya o 1,491 indibidwal mula sa 14 na barangay sa Negros Occidental ang sapilitang inilikas dahil sa pagsabog ng Mt. Kanlaon.

Ang mga inilikas na pamilya ay mula sa tatlong Barangay sa Bago City, isang barangay sa La Carlota City, walong barangay sa La Castellana, isa sa Moises Padilla at isa sa Pontavedra.

Sa nasabing bilang, 338 pamilya na katumbas ng 1,349 indibidal ang nasa loob ng siyam na evacuation centers habang 30 pamilya naman na binubuo ng 142 katao ang nasa labas ng evacuation centers.

May naitala naring ashfall at pagkalat ng sulfurous odors sa ilang komunidad sa western slopes ng bulkan.

Matatandaan na nitong mga nakaraang buwan ay nagpapamalas na ng pag-aalburuto ang bulkan hanggang sa sumabog ito kagabi.

Ang paglalagay sa alert level 2 ng bulkan ay nangangahulugan na posibleng humantong ito sa mas malakas pang pagsabog na mas mapanganib.