Default Thumbnail

Budol ng pribatisasyon

June 17, 2023 Magi Gunigundo 193 views

Magi GunigundoTINANGGIHAN ng nakaraang administrasyon ang mga alok ng pagsasapribado ng NAIA mula sa mga mega consortium dahil nagdadala ito ng mga kondisyon na lubhang dehado ang gobyerno o pisikal na imposibleng maganap.

Ang kasalukuyang administrasyon ay dapat mag-ingat sa mga mang-aakit ng pribatisasyon at sa halip ay pahalagahan ang pangkalahatang karanasang pandaigdig na nag-aalis ng maskara ng pangit na mukha ng monopolyo na gahaman sa labis na tubo na nagtatago sa dogma ng pribatisasyon.

Walang maliwanag na katibayan na sumusuporta sa palagay ng pribatisasyon na ang pribadong sektor ay mas mahusay kaysa sa pampublikong sektor sa pagpapatakbo ng isang paliparan.

Sa buong mundo, walang modelo ng pagmamay-ari (pampubliko, pribado, o magkahalo) na nagpapamalas kung anong sektor ang tunay na mas mahusay kaysa sa iba at ang kahusayan ng serbisyo sa ilalim ng ano mang uri ng modelo ng pagmamay-ari ay nakasalalay sa mga salik tulad ng kompetisyon, regulasyon, awtonomiya at mas malawak na isyu ng pag-unlad ng institusyon (Max Everest-Phillips , Mas mahusay ba ang pribadong sektor? Isang babala, ©2015 UNDP Global Center for Public Service Excellence).

Batay sa Skytrak Top 20 airport ranking para sa 2016-2017, ang dalawang nangungunang airport sa mundo ay Singapore Changi at Incheon, South Korea na parehong pag-aari ng gobyerno.

Kasama sa listahan ang mga paliparan sa Munich, Vancouver, Taipei, Helsinki, at Shanghai Hongquiao na pag-aari din ng gobyerno. Apat na pribadong pag-aari na paliparan ang kasama sa lista: Tokyo Haneda, London Heathrow, Tokyo Narita at Kansai. Samantala, ang mga paliparan sa Hongkong, Doha Hamad, Central Nagoya, Zurich, Frankfurt, Amsterdam at Vienna ay nasa ilalim ng Public-Private-Partnership model.

Ang pagsasapribado ng paliparan sa Amerika ay matumal dahil walang krisis ng kakayahan sa pamamahala ng paliparan ng U.S. na kumikita kaya hindi ginugutom ng pondo ng pamahalaan na taglay ang paniniwala na ang mga paliparan ay isang pampublikong kabutihan at dapat na patakbuhin para sa pakinabang ng publiko; (Greg Principato, Bakit Walang Pribatisasyon sa Paliparan sa U.S. Disyembre 15, 2017).

Sa ibang bahagi ng mundo, karamihan ng malalaking paliparan sa Australia ay pagmamay-ari na ngayon ng mga consortium ng mga pribadong kumpanya. Sa kasalukuyan, higit sa 50% ng mga paliparan sa Europa ang may ilang uri ng pribadong pagmamay-ari, na may makabuluhang pagtaas ng porsyentong ito mula noon 2011.

Likas na katangian ng isang paliparan ang hindi nito pagbibigay ng alternatibong kapalit na magagamit ng mga eroplano at pasahero, kaya tiyak ang paglitaw ng monopolyo na walang konsensya ang pagkasugapa sa kita at hindi ito basta mapipigil ng gobyernong pinahina ng “regulatory capture” ( IATA 2018 research, at A4ANZ, Mayo 2018 Report). Noong 2018, sinabi ni Alexandre de Juniac ng International Air Transport Association na wala pang halimbawa ng pribatisasyon na naghatid ng mga ipinangakong benepisyo ng higit na kahusayan ng serbisyo para sa mga airline, gayundin ng mas magandang karanasan para sa mga kostumer kaya naman ang pagmamay-ari ng paliparan ay pinakamahusay na iwan sa pampublikong mga kamay. Sinabi ng CEO ng Lufthansa na si Casten Spohr na ang pagsasapribado ng mga pangunahing paliparan sa Europa ay isang “malaking pagkakamali”.

Ang NAIA ay kumikita ng humigit-kumulang P6.5 B bawat taon mula sa mga singil sa serbisyo ng pasahero, mga singil sa sasakyang panghimpapawid, mga komersyal na espasyo, bayad sa porterage at paradahan, at iba pa. Ngunit malaking kapital ang kinakailangan upang makapagdagdag ng isa pang 4 km “runaway” sa nag-iisang NAIA runaway upang maparami ang kilos ng trapiko sa himpapawid bawat oras na sagad na sa 31 ATMPH lamang. Kailangan din ng malaking pera para sa pagpapalawak ng Airport Terminal na bibihisan ng teknolohiya ng ika-21 siglo.

Ang pag-aalis sa pulpol na lupon ng mga “political payback appointees” at pagpapalit sa kanila ng mga indibidwal na marunong magpatakbo ng isang paliparan ay hindi sapat upang itulak pataas ang ranggo ng NAIA sa Skytrak. Ang mga karanasan sa ibang bansa sa mga modelo ng pagmamay-ari, pag-unlad at pamamahala ng mga paliparan ay pangontra sa budol ng pribatisasyon. Ang pagkakaroon ng malinaw na posisyon ng NAIA sa rueda ng na nag-uugpong ng mga paliparan, pantalan, terminal ng tren, bus, taxi at jeep ay makakatulong sa atin na makita kung saan maaaring pumasok ang partisipasyon ng pribadong sektor nang hindi mapipinsala ang napakahalagang interes ng publikong serbisyo.

AUTHOR PROFILE