Imee

Budget sa catering ng ‘Maid in Malacañang’ preem, idu-donate sa mga biktima ng lindol

July 29, 2022 Ian F. Fariñas 407 views

ISANG araw matapos maglibot sa mga lugar nabiktima ng magnitude 7 na lindol ay dumalo si Sen. Imee Marcos sa premiere night ng kontrobersyal na pelikulang Maid in Malacañang.

Bago ang premiere screening ay naglabas siya ng pahayag na ido-donate ang budget nito sa catering para sa mga nawalan ng bahay at iba pang nangangailangan ng tulong sa Norte.

Ani Sen. Imee, “Personal kong nasaksihan na maraming nawalan ng bahay at buhay sa pagbisita ko sa Ilocandia at Abra, kaya gagawin naming simple kaysa magarbo ang Premiere Night ng Maid In Malacañang ngayong araw, July 29.

“Nagkasundo ang buong cast at crew na i-donate sa mga nasalanta ng lindol ang budget sa catering.

“Sana ay maunawaan ng mga manonood ang simpleng opening night ng aming pelikula.

“Sapat na sa amin at ng aking pamilya na maipakita ang aming panig ng kwento at kasaysayan.

“Mas mahalaga ngayon na matulungan ang mga kababayan natin na nasalanta ng lindol. Maraming salamat po.”

Ipinalabas sa tatlong sinehan sa SM North Edsa The Block ang Maid in Malacañang na nakakuha ng PG classification mula sa Movie Television Review and Classification Board (MTRCB).

Sa ilalim ng direksyon ni Darryl Yap para sa Viva Films, ang pelikula ay pinagbibidahan nina Cesar Montano, Ruffa Gutierrez, Cristine Reyes, Diego Loyzaga, Ella Cruz, Karla Estrada, Elizabeth Oropesa, Beverly Salviejo at marami pang iba.

Tinalakay sa pelikula ang huling tatlong araw ng pamilya Marcos sa Palasyo.

Maraming dapat abangan na eksena rito, isa na ang confrontation scene ng mag-amang Cesar at Diego bilang sina dating Presidente Ferdinand Marcos at ngayo’y Pangulong Bongbong Marcos.

First project nila ito na magkasama pero talagang hindi nagpalamon si Diego sa multi-awarded na ama.

Sa August 3 ang playdate ng movie sa mga sinehan sa bansa.

Ipapalabas din ang Maid in Malacañang sa iba’t ibang parte ng Amerika, Canada, Japan at Singapore simula August 12.

Sa August 19 naman ito magsisimulang mapanood sa UAE.

AUTHOR PROFILE