BSKE Pinangunahan ni Nueva Ecija police chief Col. Richard Caballero (kaliwa sa front row) ang mga kandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa ginanap na unity walk sa harap ng lumang capitol building sa Burgos Avenue sa Cabanatuan City noong Sept. 14. Kuha ni Steve Gosuico

BSKE unity walk, covenant-signing ginanap sa Nueva Ecija

September 14, 2023 Steve A. Gosuico 770 views

CABANATUAN City–Nagkaisa ang mga kandidato sa Nueva Ecija na gawing payapa at patas ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa pamamagitan ng unity walk, inter-faith rally at peace covenant signing na pinangunahan ng Nueva Ecija Police Office noong Huwebes.

Ginanap ang mga aktibidad sa pakikipagtulungan ng Commission on Elections, Department of the Interior and Local Government, Nueva Ecija local government unit, Kagawaran ng Edukasyon, militar at mga miyembro ng religious sector.

Pinangunahan ni Nueva Ecija chief of police Col. Richard Caballero, Provincial Election supervisor Atty. Rommel H. Rama, Nueva Ecija-DILG chief Atty. Ofelio A. Tactac Jr. at Rev. Fr. Aldrin B. Domingo, tagapangulo ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting-Nueva Ecija chapter ang mga aktibidad.

Pangunahing layunin ng mga aktibidad na isulong ang pagtutulungan at pagkakaisa ng mga kandidato upang makamit ang malinis, mapayapa at patas na BSKE 2023.

Hinimok ni Caballero ang mga kandidato na ipakita ang kanilang pagkakaisa at dedikasyon sa pamamagitan ng pagtupad sa pangako para sa kanilang sarili na susundin nila ang batas para sa ikabubuti ng publiko.

Iginiit din ni Caballero ang kahalagahan ng “community engagement” sa pagitan ng pulisya at ng mamamayan lalo na sa panahon ng halalan.

“Dapat iparating sa pulis ang inyong mga hinaing. Para mga tamang tao ang inyong makausap hindi iyung aasa kayo sa inyong mga intelligence officers o yung mga nagkakalat ng tsismis o mga sulsol,” sabi ni Caballero.

Matapos ang pagdaraos ng unity walk, paglagda sa peace covenant at unity pledge, sumunod ang isang open forum kung saan ipinaliwanag ng mga kandidato ang kanilang mga plataporma.

Sinagot din ng mga kandidato ang mga tanong ukol sa BSKE tulad ng kung ilang watchers ang pinapayagan bawat kandidato sa loob ng poll precinct at iba pa.

Mula sa 27 barangay ng 14 na bayan ng lalawigan ang dumalo sa event. Binubuo ang Nueva Ecija ng mga bayan ng Jaen, Cuyapo, Sta. Rosa, Aliaga, Talavera, Cabiao, San Isidro, Llanera, San Leonardo, Nampicuan, Zaragosa, Pantabangan, San Antonio, General Tinio at San Jose City.

Kabilang sa mga dumalo sa forum ang mga lalaban para sa barangay captain na sina Sydney C. Austria, anak ni Jaen Mayor Sylvia C. Austria, ng Bgy. San Josef at Jonjon Padiernos Jr., pamangkin ni GP Partylist Rep. Jose Gay “GP” Padiernos ng Bgy. Lambakin.

Nagtapos sa pamamagitan ng seremonyal na pagpapakawala ng mga puting lobo sa himpapawid ng mga kalahok ang okasyon.

AUTHOR PROFILE