Default Thumbnail

BRRTH bilang ‘specialized center’ ikinagalak ni Salceda

August 16, 2022 People's Tonight 358 views

LEGAZPI CITY – Lubhang natutuwa si Albay 2nd District Representative Joey Sarte Salceda sa pahayag ng Department of Health (DOH) na pinili nito ang Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH) na gawing isa sa pitong mga “specialized (medical) centers” na dapat mabuksan sa 2025 sa labas ng Metro Manila.

Ipinahayag ni DOH Officer-In-Charge (OIC) Maria Rosario Vergeire nitong nakaraang linggo ang plano ng kanilang ahensiya na magtatag ng mga “specialized centers” sa mga pitong ospital ng pamahalaan sa labas ng Metro Manila sa susunod na tatlong taon, na tutugon sa mga sakit na “neonatal” at gayon din sa sakit sa puso, baga, atay at kanser.

Masugid na isinulong ni Salceda, na siyang chairman ng House Ways and Means Committee, ang modernisasyon at pagpapalawak sa BRTTH.

“Patuloy naming ipaglalaban ang modernisasyon at pagpapataas sa kalidad ng serbisyo ng BRTTH na kahit kulang at limitado ang yaman nito sa nakaraan ay sadyang patuloy namang nagsikap para matugunan ang mga pangangailangang pangkalusugan ng mga Bikolano, at matupad ang mandato ng DOH na maging ‘Heart, Lung, Kidney at (nitong huli) Cancer Center’ sa rehiyong Bikol,” madiing paliwanag ng mambabatas.

Ang Heart, Lung, Kidney and Cancer center ng BRTTH, ayon kay Salceda, ay nagbibigay ng kumprehensibong serbisyong medikal upang matugunang ang naturang mga sakit sa Kabikulan.

AUTHOR PROFILE