Breathtaking Verde Island Passage umani ng papuri sa 34th Philippine Travel Mart
UMANI ng papuri ang Batangas sa inisyatibo’t pangunguna ng Provincial Tourism and Cultural Affairs Office na pinamumunuan ni Governor DoDo Mandanas, matapos nitong itampok ang Verde Island Passage (VIP) sa isinagawang tatlong araw na 34th Philippine Travel Mart noong ika-1 hanggang ika-3 ng Setyembre 2023 sa SMX Convention Centre, Mall of Asia sa Lungsod ng Pasay.
Ang Philippine Travel Mart ay isa sa pinakamalaking eksposisyon sa bansa na dinarayo ng mga lokal at dayuhang turista upang humanap at tumuklas ng mga natatanging destinasyon sa bansa.
Hango sa temang “Under The Sea,” naging maka-tubig ang pagpapakilala ng yamang dagat ng Batangas, partikular nga ang VIP, sa pamamagitan ng immersive, interactive, at makabagong teknolohiyang LED-tunnel kung saan magbibigay ito sa dumadaan ng pakiramdam na tila nasa ilalim ng karagatan. Tampok sa naturang virtual reality display ang iba’t ibang klase ng mga coral reefs, maging ang libu-libong klase ng marine life species na matatagpuan sa kalaliman ng VIP.
Sinubukang bigyang-buhay dito ang pagiging bahagi ng Pilipinas sa tinaguriang “Coral Triangle,” na kinikilalang pandaigdigang sentro ng Marine Biodiversity.
Nakapaloob dito ang Verde Island Passage, na mas kilala bilang “Center of the Center of Marine Biodiversity of the World” na matatagpuan sa baybayin ng Lalawigan ng Batangas.
Ang naturang exhibit sa pamamagitan ng “Batangas Hour” na nagsilbing oportunidad upang imulat ang kamalayan ng mga nasa convention center patungkol sa kahalagahan ng VIP at bigyang-diin ang pangangalaga nito.
Sinabi ni Governor DoDo Mandanas na bukod sa ganda at laki ng pakinabang na nanggagaling sa VIP, nananatili pa rin na ang pangunahing yaman ng lalawigan ay ang bawat Batangueñong nagtataglay ng kagitingan at dignidad, tungo sa sambayanang tunay na maka-Diyos, makatao, at makabansa.
Nakiisa rin sa travel mart ang mga kasapi ng Batangas Dive Association (BaDAss) na naglaan ng oras upang ituro sa mga bisita ang ilang kaalaman patungkol sa diving.
Bukod sa Batangas Pavilion, nagtampok din ang iba pang mga lalawigan at rehiyon mula sa Luzon, Visayas at Mindanao ng kani-kanilang ipinagmamalaking atraksyon at destinasyon sa tatlong araw na exhibit.
Ang naturang exhibit ay binisita rin ng ilang mga opisyal at kawani ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas.