
Boy: ’Di pwedeng wala tayong pakialam
“Hindi pwedeng wala tayong pakialam sa isa’t isa dahil ‘pag nagbuklod-buklod tayo, we become stronger.”
‘Yan ang mariing sinabi ng award-winning TV host na si Boy Abunda nang ibahagi niya ang natutunan mula sa mga reklamong pinakinggan kasama ang magkapatid na Senador Alan Peter at Pia Cayetano sa huling episode ng CIA with BA.
Isa rito ay mula kay Rosalie na dumulog sa segment na “Payong Kapatid.” Pitong taon na ang nakalipas mula nang siya ay magtapos ng kolehiyo ngunit hindi pa rin niya makuha ang transcript of records at diploma na kailangan niya sa pag-a-apply ng trabaho dahil nagsara na ang eskwelahan.
Sa dulo ng nasabing segment, nabunyag na ang paaralan ay hindi accredited ng Commission on Higher Education (CHED) na mag-offer tertiary education programs, kabilang ang kursong tinapos ni Rosalie.
Sa tulong ni CHED Regional Director Julieta Paras, inendorso si Rosalie sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) kung siya ay mabibigyan ng credentials.
Samantala, nagsilbi ring tinig ng nasa isang libong katao na nagtapos sa parehong paaralan ang reklamo ni Rosalie dahil nararanasan din nila ito.
“That’s what makes us human. We are God’s creation. I think we all are put here for a reason so when we hear those stories about people na (inuuna) niya or (pina)-prioritize niya ‘yung ikabubuti ng ibang tao, it makes me happy about being a human,” sabi ni Pia.
“May mga tao talaga na, ‘wag mo akong pakialaman, hindi mo ito buhay.’ Pero meron talagang mga tao na hindi pwedeng hindi makialam lalo na kung at stake ang kapakanan ng (iba),“ ayon naman kay Boy.
Ang CIA with BA ay pagpapatuloy ng nasimulang misyon ni Senador Rene Cayetano, yumaong ama nina Sen. Alan Peter at Pia. Si Senador Rene ang orihinal na abogadong nagbibigay ng legal advice sa telebisyon at host ng sikat na programang Compañero y Compañera noong 1997 hanggang 2001.
Napapanood ang CIA with BA tuwing Linggo, 11:30 ng gabi.