
Bong Revilla, hindi interesadong mag-number 1 sa survey, mga botante, pinaalalahanan
HINDI interesado si Senator Ramon “Bong” Revilla, Jr. na manguna sa mga isinasagawang survey ng iba’t-ibang survey firm lalu’t may phobia na aniya siya sa mga ganitong uri ng resulta.
Hindi rin aniya dapat maging basehan ng mga botante ang naglalabasang survey sa pagpili ng nais nilang iluklok sa Senado at ang dapat aniya ay kung ano sa paniniwala nila ang magagawa at gagawin pa ng isang kandidato para sa mamamayan.
Sa ngayon aniya, ang tanging mahalaga lamang sa kanya ay ang magwagi sa halalan upang makatulong sa paglikha ng mga batas na makakatulong sa mamamayan at maipagpatuloy na rin ang pagsisilbi niya sa mga kababayang Pilipino, hanggang sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Nagpasalamat din ang Senador sa mainit na pagtanggap sa kanya ng mga taong sumasalubong sa kanyang isinasagawang motorcade at pag-iikot sa maraming lugar sa bawa’t rehiyon.
“So far, nakakatuwa, nakapag-motorcade tayo sa Batangas, Laguna, sa Metro Manila at lahat po ng sumasalubong sa atin sa kalsada, tuwang-tuwa at nakikipagsayawan sa atin sa kalye, ramdam na ramdam ko ang pagmamahal at init ng pagtanggap sa akin sa lahat ng aking puntahan,” sabi pa ng Senador nang magsagawa naman ng motorcade sa mga lansangan ng Taguig, Pateros, at Muntinlupa Huwebes ng hapon.
Hinggil naman sa usapin ng impeachment, sinabi ng Senador na handa siyang tumalima kung ano ang magiging desisyon ng mayorya basta’t ang mahalaga aniya ay dumaan ito sa tamang proseso.
Gayunman, may agam-agam pa rin siya na posibleng abutin pa rin ang paglilitis sa susunod na 20th Congress, maliban na lang kung ito aniya ay mamadaliin.