Tolentino1

Tolentino handang ganapin tungkulin ukol sa impeachment

February 27, 2025 Edd Reyes 205 views

MABIGAT man sa kanyang damdamin, tiniyak ni Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino na handa niyang gampanan ang kanyang tungkulin na sumulat ng “Senate Rules on Impeachment” na magiging panuntunan sa gagawing paglilitis sa nakahaing impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa kanyang talumpati sa harap ng mga opisyal ng Liga ng mga Barangay Zamboanga Chapter na ginanap sa Grand West Side Hotel sa Paranaque City Huwebes ng umaga, hiniling niya sa mga ito na tulungan siya, sa pamamagitan ng kanilang dasal, na magkaroon ng sapat na lakas ng loob na makapagsulat ng wastong dokumento na magiging patas, parehas, at may layunin na makakamit ang tamang hustisya.

“Even without my liking and acceptance, I will be placed in a position which probably would require inspiration and courage, coming from you,” pahayag pa ng Senador sa mga opisyal ng barangay.

“Iniisip ko kagabi, bakit ako ang magsusulat nito eh ayoko naman nung impeachment kung tutuusin dahil makakahati sa ating bansa. Pero kung hindi ko naman gagawin, eh parang tumalikod po ako sa trabaho ko,” dagdag pa ng Senador.

Bilang isa aniyang abogado, madali lang para sa kanya ang gumawa ng dokumento, kahit ngayon o bukas, subalit ang ganito aniyang panuntunan ay gagawin niya ng mabigat sa kanyang kalooban kaya kinakailangan niya muna ang taimtim na pagdarasal bago niya ito likhain.

Si Tolentino, bilang Majority Leader ng Senado ang siya rin dapat na mamuno, bilang tradisyon sa Senado,,sa Committee on Rules na naatasang gumawa ng mga panuntunan at tumulong, lumikha, makipag-ayos, at dumepensa sa mga programang pang-legislatura.

AUTHOR PROFILE