Bong Go: Tapos na ang halalan, panahon na para magkaisa
MULING iginiit ni Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang apela sa mga susunod na pinuno ng bansa na ipagpatuloy ang magagandang programa at polisiya na sinimulan ng administrasyong Duterte upang mabigyan ng mas komportableng buhay ang lahat ng Pilipino lalo na tungo sa pandemic recovery.
Ipinaabot ng senador ang kanyang mainit na pagbati kina President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at Vice President-elect Sara “Inday” Duterte para sa kanilang pagkapanalo nitong nakaraang halalan.
Nagpahayag ng pag-asa si Go na ang mga bagong proklamadong pinuno ay matagumpay na magagampanan ang kanilang mga tungkulin sa bansa. Muli niyang igniit ang kanyang panawagan sa kanila na ituloy ang mga programa at reporma na sinimulan ni Pangulong Duterte na kapaki-pakinabang sa mga Pilipino.
“Umaasa ako na gagampanan ng bagong Pangulo at Pangalawang Pangulo ang tungkuling ipinagkatiwala sa kanila ng ating mga kababayan—lalo na ang pagtulong sa mga mahihirap na mga Pilipino,” ani Go.
“Isa lang po ang aking pakiusap at paalala: tulad ng laging bilin ni Pangulong Rodrigo Duterte, unahin dapat ang kapakanan ng ating mga kababayan. Walang dapat mapabayaan at lahat ay dapat makatikim ng ginhawa na dulot ng maayos na serbisyo mula sa ating gobyerno,” paalala niya.
Ayon kay Go, isa sa dapat pakatutukan ng bagong administrasyon ay ang pagtugon sa COVID-19 pandemic at matulungan ang ating mga kababayan na makaahon sa hirap na idinulot nito sa kanilang buhay. Napakaimportante po na makarekover agad tayo at makalikha ng mga trabaho at walang magugutom na Pilipino.
Nanawagan si Go para sa pagkakaisa ng mga Pilipino dahil ang bansa ay nakahanda naang magsimula ng bagong pahina sa kasaysayan nito.
“Tapos na po ang halalan at panahon na para magkaisa at magpokus sa trabaho para sa ikabubuti ng bawat Pilipino. Magsisimula na tayo ng bagong kabanata ng buhay bilang isang sambayanan sa ilalim ng bagong administrasyon,” idiniin ni Go.
“Nagpalit man ang liderato sa gobyerno, patuloy pa rin ang ating pagseserbisyo tungo sa ating iisang hangarin na mas ligtas at komportableng buhay para sa bawat Pilipino,” paniniyak niya.
Nangako si Go na patuloy siyang makikipagtulungan sa susunod na administrasyon para isulong ang kapakanan ng mga Pilipino.
“Matatalino, mahuhusay at alam ng dalawang bagong opisyal ng ating bansa ang kanilang tungkulin. Nasa likod rin nila ang milyun-milyong mga Pilipino na nanindigan na maipaglaban ang kanilang boto noong nakaraang halalan. Kapag malakas ang suporta ng taumbayan, inaasahang maipatutupad ang kanilang mga programa na maghahatid sa ating bansa at mga mamamayan sa kaunlaran,” giit ni Go.