Bong Go

Bong Go sa publiko: Iboto ang tapat, may malasakit

October 26, 2023 People's Tonight 180 views

HINIMOK ni Senador Christopher “Bong” Go ang Commission on Elections (COMELEC) na pangalagaan ang integridad ng paparating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Oktubre 30.

Higit dito, hinikayat niya ang mga Pilipino na gamitin ang kanilang karapatang bumoto at maging matalino sa pagpili ng mga kandidato na pinaniniwalaan nilang makapag-aambag sa pag-unlad ng kani-kanilang komunidad.

“Sa ating mga kababayan, gamitin ninyo ang inyong karapatang bumoto. Pumunta kayo sa mga presinto, lumabas at iboto ang mga kandidato na sa tingin ninyo ay makatutulong sa pag-unlad ng inyong barangay,” ani Go.

Iminungkahi ng senador ang isang set ng pamantayan para sa mga botante sa pagpili ng mga kandidato.

“Unahin ang mga tapat, may kakayahan, at higit sa lahat, ang may pagmamahal at malasakit sa kapwa Pilipino,” ayon sa senador.

Para sa mga kandidato, pinayuhan sila ni Go na laging unahin ang kapakanan ng kanilang mga nasasakupan at isapuso ang esensya ng serbisyo publiko na kanilang inaasam.

“Ito ay isang pampublikong tanggapan na iyong pinapasok. Huwag sayangin ang tiwala na ibinibigay ng ating mga kababayan. Kapag nanalo ka, unahin mo ang paglilingkod, pangangalaga, at pagmamahal sa ating kapwa Pilipino, lalo na sa mga mahihirap,” payo niya.

Samantala, binalaan ni Go ang mga botante na maging mas matalino sa panahon ng kampanya sa gitna ng iniulat na paggamit ng artificial intelligence (AI) upang pagandahin ang larawan ng mga kandidato sa campaign materials. Anang senador, ang integridad ng halalan ay nakasalalay sa pagiging totoo ng mga kalahok.

“Ang paggamit ng artificial intelligence sa kampanya sa halalan sa Pilipinas ay masasabing bagong terrain, bagong kasangkapan, bagong estilo kumpara sa tradisyonal na pangangampanya,” ani Go.

Binigyang-diin ng senador ang kahalagahan ng transparency sa mga halalan at nagbabala laban sa maling paggamit ng AI para sa mapanlinlang na layunin ng mga kandidato na magkaroon ng ‘visual edge’ na higit sa kung ano ang itinuturing na makatotohanan.

“Always the truth, kaya dapat pag-aralan nang mabuti kung baka gagamitin ito sa panlilinlang, panloloko o kasinungalingan. Kung ganun ang gamit, hindi po ako sang-ayon diyan,” paliwanag ng senador.

AUTHOR PROFILE