Bong

Bong Go: Magbantay, kaso ng tigdas at rubella lumolobo

November 9, 2023 People's Tonight 271 views

HINIMOK ni Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate committee on health and demography, ang mga Pilipino na maging mapagbantay sa harap ng ulat ng pagtaas ng kaso ng tigdas at rubella sa bansa.

Sinabi ni Go na nangyari ito sa kabila ng nationwide child-focused immunization drive laban sa nasabing mga sakit.

“Nais kong magpaalala sa inyong lahat na maging maingat sa gitna ng pag-usbong ng mga kaso ng tigdas at rubella dito sa bansa.

Suportahan natin ang kasalukuyang programa para sa pagbabakuna at mahalaga pa rin na tayo’y mag-ingat at maging mapanuri,” ayon kay Go.

Ang “Chikiting Ligtas” immunization program na pinangunahan ng Department of Health (DOH), ay layong pangalagaan ang kalusugan ng mga batang Pilipino.

Isinagawa ito mula Mayo 2 hanggang Hunyo 14, at matagumpay na nabakunahan ang humigit-kumulang 84% ng mga bata laban sa tigdas at rubella.

Ngunit sa kabila ng immunization drive, nakababahala ang pinakabagong surveillance report mula sa DOH, kung saan 1,823 kaso ng tigdas at rubella ang iniulat mula Enero 1 hanggang Oktubre 7.

Ito ay kumakatawan sa nakababahalang pagtaas kumpara sa 494 kaso na naitala sa parehong panahon noong nakaraang taon. Sa mga kaso na ito, 1,731 ay impeksyon sa tigdas, at 92 ay rubella.

Naapektuhan ng paglobo ang lahat ng 17 rehiyon ng bansa, kung saan ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ay siyang may pinakamalaki na may 532 kaso o 3,992-porsiyento pagtaas mula sa 13 kaso na iniulat noong 2022.

Ang BARMM ay binubuo ng mga lalawigan ng Basilan, Lanao del Sur, Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, Sulu at Tawi-Tawi, at Cotabato City.

Samantala, tumaas din ang mga namatay dahil sa tigdas. Lima ang namatay na naiulat ngayong taon, kasama ang mga apektadong rehiyon kabilang ang CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon), Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan), Davao (Davao de Oro, Davao del Norte, Davao del Sur, Davao Oriental, at Davao Occidental), at BARMM.

Hinimok ni Sen. Go ang mga magulang na tiyaking napapanahon ang bakuna ng kanilang mga anak at kumunsulta sa mga propesyonal sa pangangalagang pangkalusugan para sa gabay sa mga iskedyul ng pagbabakuna.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng kamalayan sa mga komunidad at hinikayat ang mga Pilipino na mag-ulat kaagad ng mga pinaghihinalaang kaso.

AUTHOR PROFILE