
Bong Go hiniling unahin ng gov’t pro-poor initiatives
2nd SONA ni PBBM:
BAGO ang ikalawang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa Hulyo 24, naniniwala si Senador Christopher “Bong” Go sa kapasidad ng administrasyong iangat ang buhay ng mas maraming naghihirap na miyembro ng lipunang Pilipino.
Iginiit ng senador ang pangangailangang tiyakin ng gobyerno na walang Pilipinong maiiwan sa proseso ng pagbangon ng ekonomiya.
“Unang-una, siyempre kailangan po na walang maiwan na Pilipino sa ating economic recovery,” sabi ni Go matapos siyang mamahagi ng ayuda sa mga nasunugan sa Quezon City.
“Nais ko pong marinig sa Pangulo ang kanyang mga plano at kung ano pa ang mga pwedeng gawin sa inclusive at full economic recovery mula po sa pandemya,” ani Go.
Kilala sa kanyang aktibong papel sa pagbibigay ng tulong sa mga kapus-palad, binigyang-diin ni Go na dapat targetin ng mga programa ng gobyerno ang naghihirap na sektor ng lipunan.
Sinabi ng mambabatas na ang isyu ng seguridad sa pagkain, isang talamak na alalahanin sa maraming sambahayan, ay dapat unahin sa talakayan.
“Dapat po, walang magutom. Importante po dito tiyan ng bawat Pilipino. Importante po dito trabaho ng bawat Pilipino,” idiniin ng senador.
Binanggit din ni Go ang ang kanyang pagsuporta sa Philippine Development Plan ng administrasyon, isang eight-point agenda na naglalayong makamit ang food security, mapabuti ang supply chain management, mabawasan ang mga gastos sa enerhiya, mapanatili ang energy security, at mabawasan ang economic vulnerability na dulot ng pandemya.
Nais din niyang tugunan ang mga isyu sa pangangalagang pangkalusugan, palakasin ang panlipunang proteksyon, isulong ang pag-unlad ng imprastraktura, at hikayatin ang pagnenegosyo, lalo na sa mga micro, small, at medium na negosyo.
Idiniin ng senador na walang patid niyang susuportahan si Pangulong Marcos, basta ang mga hakbangin ay kapaki-pakinabang sa mga mahihirap na Pilipino.
“Suportado ko po ang ating Pangulo basta makakatulong po sa mahihirap nating kababayan,” ani Go.