
Bolitas, agimat ng mga insecure na PDLs sa kanilang Misis
HINDI na nakapagtataka kung ma-insecure ang ilang persons deprive of liberty (PDLs) sa kani-kanilang maybahay lalu na kung bata at maganda pa si Misis kaya kailangan nilang gumawa ng paraan para hindi maghanap ng iba ang kanilang asawa.
May mga pangyayari na kasing napapatid ang tanikala ng pag-ibig ng isang mag-asawa kapag nawalay ng matagal ang lalaki, tulad ng nangyayari sa ilang mga overseas Filipino workers (OFWs) na subsob ang ulo sa pagta-trabaho sa ibang bansa, ng hindi namamalayan na may iba na palang kalaguyo ang taksil na asawa.
Ang bentahe nga lang ng mga PDL, may pagkakataon silang makaulayaw ang asawa sa pamamagitan ng conjugal visit kaya kinakailangan nilang pagbutihin ang kanilang “performance” sa limitadong oras ng kanilang pagniniig upang sila lang at wala ng iba ang hahanap-hanapin ng kanilang misis.
Eh paano nga ba mapagbubuti ng isang PDL ang kanyang performance kung limitado lang ang oras ng conjugal visit?
Sabi ng kaibigan nating jail officer, ang paglalagay ng “bolitas” sa kanilang ari, ang tanging armas ng ilang PDL na insecure sa kanilang seksi at may asim na waswit, para raw hindi maghanap ng iba habang nasa loob sila ng pasilidad dahil sa kinakaharap na kaso.
Nabisto ng mga jail officers ang paglalagay ng bolitas ng ilang PDL nang may ilang na-impeksiyon bunga ng hindi wastong paglalagay at kakulangan ng kalinisan.
Kinailangan pa nga na dalhin sa pagamutan ang ilan dahil hindi na kayang gamutin sa infirmary ng jail facility.
Napagalaman na mula pala sa plastic na sepilyo at ball pen na matiyagang pinagpipira-piraso at binibilog ng ilang PDL para gawing bolitas at lakas-loob na inilalagay sa balat ng kanilang ari.
Ito raw ang dahilan kaya’t ipinagbabawal na sa mga jail facilities sa area ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela (CAMANAVA) ang pagtatago ng mga PDLs ng gamit nilang tootbrush at ballpen at ibinibigay lamang sa kanila kapag sa tamang gamit lamang gagamitin.
Online scamming sa Pasay, kahalintulad ng ibinulgar ni Sen. Hontiveros
NASAPOL ni Sen. Risa Hontiveros ang notoryus na industriya ng online scamming na pawang mga dayuhan ang operator at ginagamit ang Pilipinas bilang base sa ilegal na operasyon.
Tulad na lang na tinalakay natin noong nakaraang linggo kaugnay sa isang gusali sa Pasay City na pawang mga dayuhang Chinese na ikinukulong sa loob ng gusali sa William St. malapit sa F.B. Harrison ang mga empleyado para magtrabaho bilang mga online scammers na ang binibiktima ay kanila ring mga kababayan.
Nabisto ang ilegal na operasyon nang humingi ng tulong ang isa ring dayuhan para i-rescue ang kanyang kaibigang may alyas na Lao Ma na gusto ng lumabas ng gusali pero hindi pinapayagan at piniigilan ng mga matitipunong lalaki na mga tauhan ng dayuhang operator.
Kahit may utos na si Mayor Emi Calixto-Rubiano na inspeksiyunin ang lugar, bigo ang kapulisan, maging ang inspection team ng Bureau of Permit and Licensing Office ng Pasay City, na makapasok sa lugar kaya inisyuhan na ang gusali ng 1st notice.
Ang ikinatatakot ngayon ng kaibigang humingi ng tulong ay kung ano na ang nangyari kay Lao Ma dahil hindi na raw kumokontak sa kanya.
Siguro, puwedeng idagdag ni Sen. Hontiveros ang kaso ni Lao Ma sa isinsagawang Senate inquiry upang maimbestigahan na rin ng kinauukulan kung ano talaga ang hiwagang nasa loob ng naturang gusali.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]