Default Thumbnail

BoC, tulay ang laban sa pagsugpo ng ismagling

February 19, 2023 Vic Reyes 269 views

Vic ReyesALAM naman nilang galit si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa mga ismagler, lalo na sa mga nagpaparating sa bansa ng mga puslit na produktong agrikultura.

Sa totoo lang, kaya ayaw pang iwanan ni Pangulong Marcos ang Department of Agriculture (DA) dahil gusto niya munang mawala ang mga problema ng mga magsasaka at mangingisda.

Ang isa sa pangunahing sakit ng ulo ng mga nagtatrabaho sa bukid ay ang ismagling ng agricultural products.

Dahil sa mga puslit na isda, bigas, sibuyas at iba pang gulay ay maraming magsasaka at mangingisda sa bansa ang halos ay wala ng kita at napipilitan na lang maghanap ng ibang trabaho.

Kaya kabilin-bilinan ni Pangulong Marcos sa Bureau of Customs (BOC) na habulin ang mga ismagler na ito.

Pero mukhang meron pa ring mga ismagler na sadyang matitigas ang ulo at ayaw paawat sa mga iligal nilang gawain.

Kaya naman lalong pinaigting ng BOC, na pinamumunuan ngayon ni Commissioner Bievenido Y. Rubio, sa tulong ng iba pang ahensya ng gobyerno, ang kampanya laban sa isgmaling.

Ang resulta? Sunod-sunod ang pagkakasakote ng mga kontrabando sa ibat-ibang parte ng bansa.

Sa Manila International Container Port (MICP) ay limang shipments na mga puslit na asukal at sigarilyo na galing ng Hong Kong at China ang nasakote ng BOC noong Pebrero 17.

Nagkakahalaga ng mahigit P90 milyon, ang limang shipments ay idinaan sa physical examination sa pangunguna nina Depcom for Intelligence Juvymax Uy at MICP District Collector Arnoldo Famor.

Ang mga shipment, na naglalaman ng mga misdeclared at undeclared na asukal at sigarilyo, ay dumating sa MICP sa pagitan ng Pebrero 5 at Pebrero 12.

Nauna nito ay ni-rekomenda ng MICP-Customs Intelligence and Investigation Service ang issuance ng alert orders laban sa shipments. Tatlo ang galing sa HK at dalawa mula sa China.

Ginawa ng MICP-CIIS ang rekomendasyon pagkatapos na makatanggap sila ng “derogatory information” laban sa limang shipments.

Ang pagkakasakote ng mga kontrabando sa iba’t-ibang parte ng bansa ay nagpapatunay lamang na all-out ang BoC sa pagsugpo ng technical at outright smuggling sa bansa.

Pangulong Marcos at Komisyuner Rubio, tuloy lang ang kayo para sa pagbabago dahil nasa likod niyo ang taumbayan.

****

Sa Port of Batangas naman ay isang barkong naglalaman ng 500,000 litrong “undocumented o unmarked fuel” ang kinumpiska ng mga otoridad.

Ito ang motor tanker na Mt Braleman 1 na na-intercept ng mga taga-Bureau of Customs (BOC), Philippine Navy (PN) at Philippine Coast Guard (PCG) sa karagatan ng Batangas.

Ayon sa report, ang fuel cargo ay nag-negatibo sa presensya ng government-approved marker at wala ring mga kaukulang dokumento ang mga produkto.

Sinabi ni Deputy Commissioner Teddy Raval ng BOC Enforcement Group na ang barko ay ginagamit daw sa “illicit trade of petroleum products.”

Ang crew members ng barko ay kinasuhan na dahil sa paglabag sa Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act at Fuel Marking Program ng gobyerno.

Nagpasalamat naman si Depcom Juvymax Uy sa Philippine Coast Guard at militar dahil sa patuloy nilang pagtulong sa BOC para masawata ang ismagling sa bansa.

“We don’t take these things sitting down, and we are determined to run after these people to make them pay for breaking our laws,” dagdag ni Depcom Uy.

***

Tama ang mga nagsusulong na paghandaan natin ang pagdating ng tinatawag nating “The Big One.”

Ito ang pinangangambahang malakas na lindol na tatama sa Luzon na siguradong papatay ng marami nating kababayan.

Hindi lang yan. Dahil sa kalumaan, maraming bahay, gusali, tulay at iba pang istraktura ang guguho.

Huwag nating balewalain ang babala ng mga otoridad na “delubyo ang aabutin natin kapag tumama ang “The Big One.”

At walang masama kung maghahanda tayo dahil sa mga malalakas na lindol na pumapatay ng maraming tao sa mundo, kasama na ang lindol sa Turkey at Syria.

May malakas na lindol na sumira ng maraming ari-arian sa Masbate at iba pang lugar sa Bicol.

Baka nga ang susunod na lindol ay ang kinatatakutan na nating “The Big One.”

Kaya, aksyon na tayo.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: [email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE