BOC

BOC nasabat P27.6M halaga ng smuggled na sigarilyo

February 2, 2024 People's Tonight 174 views

BOC1NASABAT ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang P27.6 milyong halaga ng sigarilyo na tinangka umanong iligal na ipasok sa bansa.

Isinakay ang may 482 master case ng sigarilyo sa isang motorized wooden craft na tinatawag ding jungkong na naharang ng mga tauhan ng BOC-Port of Zamboanga noong Enero 26 sa Brgy. Baliwasan, Zamboanga City.

Inaresto rin ang siyam na tauhan ng bangka na mayroong markang “FB JFM 2.”

Kinilala ni Acting District Collector Arthur G. Sevilla Jr. ang mga tauhan ng BOC Water Patrol Division (WPD), Enforcement and Security Service-Customs Police Division at Customs Intelligence and Investigation Service sa matagumpay na operasyon sa pagtugon sa direktiba ni Commissioner Bienvenido Rubio na paigtingin ang kampanya kontra smuggling.

Ang jungkong at ang mga sigarilyo ay nasa kustodiya na ng BOC habang hinihintay ang seizure and forfeiture proceeding kaugnay ng paglabag sa Section 1113(a) ng Republic Act 10863 o ang “Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) of 2016, in relation to Section 117 at Tobacco Exportation and Importation Rules and Regulations.

Mahaharap namana ng siyam an inaresto sa kasong paglabag sa Section 1401 ng CMTA. Ang mga ito ay nakakulong sa Zamboanga City Police Station 11.

Kinilala ni Commissioner Rubio ang pagsusumikap ng Port of Zamboanga sa pamumuno ni Acting District Collector Sevilla upang mahuli ang mga nagtatangkang magpuslit ng produkto sa bansa ng hindi nagbabayad ng buwis.

“Your robust maritime security efforts reflect your firm commitment to your duties, and this apprehension is a demonstration of the vigilance you bring in safeguarding our coastal borders and protecting the nation from the hazards of smuggled tobacco products,” ani Commissioner Rubio.

AUTHOR PROFILE