Allan

‘Black widow friendship’

February 21, 2024 Allan L. Encarnacion 196 views

MARAMI na akong naging kaibigan sa loob at sa labas pulitika mula sa barangay tanod hanggang sa pinakamataas na nasa poder, mula sa pinakamahihirap na tao hanggang sa pinakamayayaman dito sa ating bansa.

Sa dami ng ating mga kaibigan, natutunan na rin nating magkaroon ng “segregation process” para eco-friendly. Pinaghihiwalay natin iyong mga kaibigang nabubulok, recyclable at biodegradable.

Lahat naman siguro tayo ay may mga ugaling naglalagay ng mga divider sa parang bahay ng gagamba sa isang malaking kahon ng posporo. Iyon bang doon mo pinaghihiwa-hiwalay ang mga uri at klase nila.

May mga gagamba kasing nakakalason at pumapatay ng kapwa niya gagamba gaya ng Black Widow, may mga gagamba rin namang magaling sa labanan at may mga gagamba rin naman na walang pakinabang.

Ang nakakatawag-pansin dyan ay ang Black Widow. Ito talaga ang markado sa hanay ng mga tarantula kasi nga may kakaiba siyang karakter. Mabangis ito at ang venom niya ay 15 times deadly pa sa ibang ahas. Kaya tinawag siyang Black Widow dahil pinapatay niya ang sinumang gagamba pagkatapos niyang makatalik.

Parang mga kaibigan din, iba’t iba rin ang uri nila sa pulitika man o sa pangkaraniwang, may kanya-kanya silang karakter.

May mga kaibigan kang sa kahit anong unos sa iyong buhay ay makikita mo sa iyong tabi, mayroon din namang mga kaibigan mo na gusto ka lang kasama kapag payapa ang panahon or hindi maalon ang dagat. Katunayan, may mga kaibigan kang bigla na lang mawawala kapag naramdamang hindi ka niya kailangan or pakiramdam niya ay may paparating na unos sa iyong buhay.

Kaibigang putik ang tawag dyan sabi ng mga matatanda sa una.

Iyong Black Widow-type of friendship talaga ang hindi nawawala kahit pa sabihin mong marami kang mabubuting kaibigan. Alam nyo nyo ba kung paano pinapatay ni Black Widow ang kanyang nakatalik na? Pagkatapos niyang magpasarap, bibigyan niya ng huling yakap tapos unti-unti niya itong babalutan ng sapot hanggang sa magkabali-bali ang mga paa at hanggang malagutan ng hininga. At pagkatapos paslangin, sisipul-sipol pa yan naalis na parang walang nangyari. May iba palang Black Widow na kinakain pa ang kanyang pinatay na katalik! Petmalu.

Sa hinati-hati nating bahay na posporo, doon din natin inilalagay ang mga gustung-gusto nating kaibigan dahil ayaw nating maghalo-halo silang lahat. Para kapag napeste ang iba, hindi madadamay ang iba.

May kaibigan akong mga pulitiko disente at talagang nasa harap at nasa likod ng kamera, hindi nagbabago. Mayroon din naman akong mga kaibigan na kahit ibigay mo na lahat, kahit buong pamilya mo ay isuko mo sa pagmamahal sa kanila, hindi pala nila iyon malalasahan.

Darating at darating din ang oras na para ka lang disposable lighter na kapag natuyot ang butane, ihahagis ka na lang sa trash can or kung mamalasin, baka sa pusali pa.

Kaya nga importante rin ang maging pihikan sa pakikipagkaibigan, maglalagay din kayo ng pagitan para hindi kayo naabuso or hindi kayo nagiging biktima ng parasite friendship na nakadikit lang sa iyo hangga’t may dugong masisipsip sa iyo.

[email protected]