CIDU

Binatilyo, 17, pinatay ang ina!

July 11, 2022 Melnie Ragasa-limena 419 views

Banta sa ama, “Isusunod kita!”

ARESTADO ang isang 17-anyos na binatilyo matapos barilin ng sumpak ang kaniyang 53-anyos na nanay habang nakikipag-inuman sa mga barkada sa loob ng kanilang tahanan sa Quezon City, Linggo ng gabi.

Ang biktima ay 53 anyos, may asawa, walang trabaho, tubong Negros Occidental, at residente ng T.S. Cruz Subdivision, Barangay Kaligayahan, Quezon City.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 9:30 ng gabi (July 10), ng maganap ang insidente sa loob ng tahanan ng biktima sa nasabing barangay.

Matapos maaresto at makulong ay pinagbantaan pa umano nito ang kanyang ama ng, “ISUSUNOD KITA.”
Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PSSg Nido B Gevero, Jr. ng CIDU, bago ang insidente ay nakikipag-inuman ang suspek sa kaniyang mga kaibigan sa loob ng kanilang bahay.

Makalipas ang ilang oras nang malasing ang suspek ay sinigawan nito sa harap ng kaniyang mga kainuman ang kanyang nanay na si Violeta at nagsabing… “Pxxxxx xxx NIYONG LAHAT!”.

Matapos ay nagwala na ang suspek at pinagbabato ang mga bote ng softdrinks na walang mga laman, maging ang kanilang flower pot sa kaniyang mga bisita.

Nang makita ng nanay ang pagwawala ng anak ay inawat niya ito subalit mas lalong nagalit ang binatilyo, pumasok sa kaniyang silid at nang bumalik ay armado na ito ng sumpak saka binaril ang kaniyang ina.

Nang duguang bumagsak ang ina ay galit na hinanap naman ng binatilyo ang kaniyang tatay na si Charlie kaya umawat na ang kaniyang mga kaanak hanggang sa mapakalma ang suspek.

Agad na isinugod ng mga kaanak ang biktima sa Commonwealth Hospital and Medical Center subalit binawian din ito ng buhay bandang 10:47 ng gabi, ayon kay Dr. Claire Banzuelo, sanhi ng tama ng bala sa katawan.

Inaresto naman ng mga tanod ang binatilyo at kinumpiska sa kaniya ang sumpak na ginamit nito sa pamamaril sa kaniyang ina at sinasabing ginagamit din ng suspek sa kanilang ‘gang war.’

Habang nasa kostudya ng kanilang Barangay Hall ang binatilyo ay pinagbantaan pa umano nito ang kaniyang tatay ng…“PAG LABAS KO, ISUSUNOD KITA!”.