Billy

Billy, nag-sorry kay Vice at ‘It’s Showtime’ family

November 9, 2023 Vinia Vivar 228 views

Isang magandang surpresa ang nasaksihan ng madlang people sa It’s Showtime nang bumisita si Billy Crawford sa live broadcast kahapon bilang guest sa performance ni Vice Ganda para sa Magpasikat 2023 14th anniversary celebration.

Marami ang nagulat dahil hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na nagkaroon ng falling out sina Billy at Vice matapos umalis ang una sa It’s Showtime.

Ang reunion ng dalawa ay kumpirmasyon na talagang nagkaayos na sila at mismong si Vice na rin ang nag-anunsyo nito sa show.

“Okay na okay na kami ni Billy. Pero hindi kasi kami ‘yung tipong… ’di ba? Basta okay kami,” sey ni Vice.

Nagkaka-text-an daw sila ni Billy pero ang guesting nito ay biglaan lang nangyari.

Nagkaroon daw siya ng idea nang makita ang concept ng performance nina Anne Curtis na tungkol sa healing.

“Bigla kong naisip, sabi ko, ‘hmmm, parang I think maganda ‘yung kung hindi lang natin sinasabi ‘yung salitang healing. ‘Yung ipinaparamdam din natin para maramdaman nu’ng ibang tao na hindi lang siya sinasabi, kailangan, ginagawa siya at sinisimulan.

“And Billy’s presence here today and the madlang people knowing na we are okay, baka mag-inspire ‘to sa inyo na mag-heal din. Baka it’s about time, baka kaya n’yo na rin, ‘di ba? Na makipagreconcile lalong-lalo na sa mga taong mahalaga sa inyo. Kasi si Billy is one very important person sa buhay ko,” pahayag ni Meme Vice.

She added, “Regalo natin ‘to sa madlang people na makita nila tayong magkakasama ulit.”

May taping nga raw si Billy nang oras na ‘yun ng The Voice at gumawa talaga ng paraan ang dati nilang co-host para makapunta sa anniversary presentation.

“Sa sobrang kagustuhan niyang magpunta dito, siya talaga ang gumawa ng paraan para naririto siya kasi sabi niya, utang niya ‘to sa madlang people, gusto niya talaga kayong makita and we super appreciate it,” sey pa ni Vice.

Sabi naman ni Billy na, by the way, ay kasama rin ang misis na si Coleen Garcia na dati ring co-host ng show at ang kanilang anak, marami siyang naging realizations nitong nakaraang buwan.

Kababalik lang niya mula sa States at nagkita rin sila roon ng kanyang American father.

Isa raw sa mga bilin nito sa kanya ay makipag-ayos kay Vice.

“Hindi ko kasi alam kung hanggang kailan ang tatay ko sa mundong ito. Pero nagpa-realize sa akin, alam mo ba ang bilin niya sa akin is mag-ayos tayo,” saad ni Billy.

“Nu’ng sinabi ng daddy ko na ang request niya was part of that, it’s beyond my control, it’s beyond Vice’s control. I think, lahat ‘to, it was orchestrated by God,” he said.

Sinabi rin ni Billy kung gaano ka-memorable sa kanya ang It’s Showtime dahil dito niya na-meet ang napangasawang si Coleen.

Regarding sa tampuhan nila ni Vice, normal naman daw sa isang pamilya ang nagkakaroon ng away at tampuhan.

“Pero at the end of the day, in God’s time, Siya na rin ang bahalang maga-ayos,” he said.

Kasunod nito ay humingi si Billy ng paumanhin kay Vice, sa buong It’s Showtime family at sa buong madlang people.

“On my end, I want to say ‘I’m sorry, I’m sorry madlang people, I’m sorry, Kapamilya,” seryosong sabi ni Billy.

“Nagpapakumbaba lang ako na gagawin ko kasi ang lahat para sa aking pamilya,” he added.

Nagpasalamat din siya sa suporta ng madlang people at mensahe niya ulit kay Vice, “I just wana say, Vice, I love you.”

At mahigpit na nagyakan ang dalawa sa gitna ng palakpakan ng lahat ng hosts at buong audience.

AUTHOR PROFILE