
Benz nasugatan ng paa sa shooting sa Japan: ‘The show must go on’
KASALUKUYANG nasa Tokyo, Japan ang VMX King na si Benz Sangalang upang mag-shoot ng bagong pelikula, ang “Tokyo Nights” na pinamamahalaan ng Tokyo-based film director na si Direk Joey Manalang.
Kasama niya sa naturang pelikula ang future VMX Queen (well, in case tuluyan nang mag-mainstream si Angeli Khang) na si Alessandra Cruz na naging bida sa isang Vivamax hit, ang “Nurse Abi.”
Makakasama nila rito ang isang bagong Japanese-Filipina sexy star na si Arneth Watanabe na siguradong pagpapatansiyahan ng VMX (dating Vivamax) fans.
Ang producer na naturang pelikula para sa VMX ay si Luisa Kondo na nagpo-produce din ng concerts sa Japan tampok ang ilang sikat na Filipino performers tulad ni Sarah Geronimo.
Ayon kay Benz, nag-enjoy siya sa kanyang first trip sa Japan dahil nakapamasyal na siya, nakapagtrabaho pa. “Alagang-alaga kami ng aming producer na si Mam Luisa,” ayon kay Benz.
Bago rito, um-attend muna sila ni Alessandra sa film market ng Tokyo International Film Festival na ginanap sa Tokyo Metropolitan Industrial Trade Center kung saan dumalo rin ang top honcho ng Viva Group of Companies na si Boss Vic del Rosario. Nagkaroon siya ng pagkakataong mai-promote ang ilang VMX films niya tulad ng “Chick Magnet,” samantalang si Alessandra, ang “Nurse Abi.”
“Medyo maulan lang nung unang araw namin, pero enjoy pa rin,” sabi ni Benz. “Nasugatan din po ang paa ko, pero nagamot naman po kaagad. The show must go on po.”
Nagkaroon pa ng pagkakataon si Benz na makita ang kanyang tita Larcy Tanaka (from his mother side) na matagal nang nakabase sa Japan. “Dinalaw niya ako sa set namin sa Shinjuku,” kuwento ni Benz.
Sa ngayon, sobrang busy niya bilang VMX actor pero siyempre, gusto rin niyang makatawid sa mainstream balang araw. Hinubog na siya ng magagandang papel niya sa VMX at nahawakan na rin siya ng ilang mahuhusay na direktor at alam niyang magagamit niya ang mga natutunan niya sa mga ito sa mga pangarap pa niyang magampanan balang araw.
Malaki ang pasasalamat niya sa kanyang manager na si Jojo Veloso na kilala sa pagpapasikat ng maraming pangalan sa pelikula.
“Sobra pong laki ng utang na loob ko kay Tito Jojo,” ani Benz. “Sana, masuklian ko ng tamang attitude ang paghihirap niya sa akin.”