Bearwin3

Bearwin nawalan ng trabaho, nagkautang-utang: Paano nakabangon?

February 27, 2024 Aster Amoyo 316 views

BearwinBearwin1Bearwin2Bearwin4HINDI ikinakaila ng actor-comedian na si Bearwin Meily na naging pasaway umano siya nung kanyang kabataan. At ito’y dahil sa katuwiran niyang set-up ng kanyang pamilya when he was growing up. While he was an only child ng kanyang ina sa kanyang yumaong ama, labing-isa silang magkakapatid sa father side na iba’t iba ang ina. Pinilit umano sila noon ng kanilang ama na pagsama-samahing magkakapatid pero madalas ay kinukuha siya ng kanyang ina kaya mag-isa siya sa kanyang pakiramdam. At sa rami nilang magkakapatid ay hindi umano sila gaanong nagabayan ng kanilang ama.

Half-brother ni Bearwin ng dating actor na si Emil Sandoval, anak ng kanyang ama sa dating actress na si Chona Sandoval from the Salvador clan. Si Emil bale ang kanilang eldest broher. Half-brother din niya ang kilalang filmmaker na si Mark Meily.

Taong 1995 nang pasukin ni Bearwin ang showbiz sa tulong ng kanyang kaibigang si John Estrada. For a while ay nagsilbi umano siyang alalay kay John na naging daan kung paano siya nakapasok bilang extra noon sa weekly sitcom ng ABS-CBN, ang “Palibhasa’y Lalake” kung saan sina Joey Marquez at Richard Gomez ang mga pangunahing bituin.

“Never akong itinuting na alalay ni John. Pero nagsimula talaga ako bilang alalay niya,” pagtatapat ni Bearwin na nagbabalik sa isang bagong sitcom sa Net25, ang “3 in 1” kung saan tampok sina Maricel Soriano, Eric Quizon, Epy Quizon, Vandolph Quizon, Vito Quizon, Boy2 Quizon, Long Mejia at iba pa.

Maituturing na pang-MMK (kahit wala na ito) ang buhay ni Bearwin na napakagandang isadula o isapelikula.

“Siguro, kung hindi malakas ang pananampalataya ko sa Diyos, tiyak na napariwara na ang buhay ko,” aniya.

“When I was earning my own money, nasubukan ko ang iba’t ibang bisyo – babae, sugal, alak at drugs. Talagang napariwara ang buhay ko,” kumpisal niya.

Pero bago pa man tuluyang nasira ang buhay ni Bearwin ay `kinalabit’ umano siya ng Diyos na naging daan ng kanyang pagbabago.

Hindi nito ikinakaila na dumaan sa maraming `unos’ at pagsubok ang kanyang buhay at sa buhay nilang mag-asawa.

Taong 1998 nang maging nobya niya ang misis na niya ngayon na si Lara na kanyang pinakasalan nung 2004. Sila’y nabiyayaan ng dalawang anak na parehong lalake – sina Iko (18) at Paco (11) na ang panganay ay nag-aaral sa De la Salle College of St. Benilde habang ang bunso ay sa San Beda.

Nang mawalan ng trabaho (TV and movie offers) si Bearwin, nabalot umano sila sa matinding utang at kasama na rito ang hinuhulugan nilang bahay at sasakyan. Kesa mahila ang kanilang bahay, nagdesisyon silang mag-asawa na ito’y ibenta. Nabayaran nila ang ang kanilang natitirang utang sa bangko ay may natira pa silang pera na kanilang panggastos sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Dito na umano sila lumipat sa isang mas maliit na bahay na kanilang nirentahan. Since wala pa ring pumapasok na income, isinunod nilang -ibenta ang kanilang sasakyan at nagsimula umano silang mag-commute. Ang napagbentahan nila ng sasakyan ay ginawa nilang puhunan para sa kanilang small corndog business, ang Corny Doggy na nakatulong nang malaki para sila’y maka-survive sa kanilang pang-araw-araw na gastusin. Nakabili rin si Bearwin ng motorsiklo na siya niyang ginagamit sa pagde-deliver ng mga order at katuwang niya sa kanilang munting negosyo ang kanyang wife na si Lara at mga anak na sina Iko at Paco. Naka-survive din ang mag-anak nang dumating ang pandemia. But it was a struggle dahil wala pang ibang trabahong natatanggap si Bearwin.

Bago mag-expire ang kanilang inuupahan bahay ay isang kaibigan naman sa church ang nag-alok kay Bearwin na sila na ng kanyang pamilya ang tumira sa kanilang bahay in Antipolo na nabubulok lamang dahil walang nakatira. Although wala itong hinihinging renta, nag-offer si Bearwin ng P5,000 a month sa kanyang kaibigan. Since kailangan ng internal repairs ang bahay na abot ng P250,000, hindi inasahan ng actor-comedian na may darating na trabaho sa kanya, kinuha siya ni Epy Quizon para maging bahagi ng (dating) sitcom ng Net25, ang “Quizon CT” at dito umano niya naipon ang P250,000 na kailangan niya sa pagsasa-ayos ng bahay na kanilang tinutuluyan ngayon.

Since necessity ng kanyang pamilya ang sasakyan, bumili sila ng isang second-hand car na nagkakahalaga ng P150,000 pero sobra umano itong sirain at mas malaking problema ang dulot nito dahil sa repairs at abala. Habang pini-problema nila kung paano sila muling makakabili ng mas bagong sasakyan, isa na namang `hulog ng langit’ ang dumating kay Bearwin nang isa na naman niyang churchmate na may kaya ang nagbigay nang libre sa kanya ng isang well-conditioned pick-up car na siya nilang gamit-gamit ngayon.

Noon ay umabot si Bearwin ng 205 lbs. kaya nagsimula umano siyang tumakbo bilang part ng kanyang exercise and he’s now down to 165 lbs. and physically fit. Ang kanyang pagtakbo ay ginawa rin niyang instrument sa pagbuo ng iba’t ibang events tulad ng basketball league, marathon, fun run at iba pang sports events na kanyang sinimulan sa loob lamang ng kanilang village hanggang sa ito’y lumaki at ginagawa na nila ito noon sa may Luneta Grandstand and Roxas Boulevard.

Nang magkaroon na ng maraming sports events organized by other groups ay doon lamang ito itinigil ni Bearwin and his team.

Bearwin is not only a renewed Christian but he is also a renewed person magmula nang kanyang isuko ang kanyang sarili sa Panginoong Diyos. He now serves the Lord along with with wife and two sons. He is also an in demand inspirational speaker hindi lamang sa kanilang church kundi maging sa iba’t ibang kumpanya.

Matindi ang paniniwala ni Bearwin na ang lahat ng nangyari sa kanyang buhay ay may dahilan para siya’y lalong mapalapit sa Diyos.

Ang isa pang inamin sa amin ng actor-comedian ay sinubok din ang tatag ng kanilang pagsasama ng kanyang misis na si Lara. Sa halip na sila’y magkahiwalay, hiningi ni Bearwin ang advise ng kanilang pastor at siya’y hinimok na patawarin ang nagkasalang misis na marubdob ang pagsisisi at paghingi ng tawad.

Ayon kay Bearwin, nang mabalot sila sa utang at maibenta ang kanilang bahay at sasakyan ay natuto umano siyang magpakumbaba na siyang itinuro sa kanya ng Diyos.

“Lahat ng bagay dito ay mundo pati buhay natin ay hiram lang natin sa Kanya,” deklara niya.

“Huwag tayong magpaalipin sa pera at katanyagan,” diin pa niya.

“Lahat tayo ay haharap sa kanya nang wala tayong bitbit kundi kung paano natin ginubol ang buhay natin nung tayo’y nabubuhay pa,” dugtong pa niya.

“Let’s focus on today at huwag nating problemahin ang bukas na maaaring hindi na dumating sa atin,”aniya.

Sobrang nakaka-inspire ang naging buhay at karanasan ni Bearwin and his family.

“Sana, lahat ng may mga pinagdadaanan ngayon, idasal n`yo lahat `yan sa Diyos at hindi Niya kayo pababayaan,” pagtatapos ng pagbabahagi ni Bearwin ng kuwento ng kanyang buhay.

Samantala, ang bagong sitcom kung saan kasama si Beatwin na “3-In-!” ay napapanood sa Net25 tuwing linggo ng 8 p.m.

SUBSCRIBE, like, SHARE and hit the bell icon of “TicTALK with Aster Amoyo” and “INSIDE SHOWBIZ with Aster Amoyo” on my YouTube channel. Follow me on Instagram and Facebook@asteramoyo and X@aster_amoyo.

AUTHOR PROFILE