Bato

Bato pinuri PBBM

January 25, 2024 PS Jun M. Sarmiento 184 views

Sa pagtangging makipagtulungan sa ICC

HINDI magkamayaw sa pasasalamat si Senador Ronald “Bato” dela Rosa kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos magpahayag ang pangulo na wala siyang itataas na anumang daliri upang tulungan ang anumang imbestigasyong gagawin ng International Criminal Court (ICC) kaugnay sa war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na sinasabing aktibo kumikilos na sa kasalukuyan.

Sa isang panayam kay dela Rosa, sinabi ng senador na nakahinga siya ng maluwag sa madiin at tahasang salitang binitawan ng Pangulong Marcos Jr. at pinasalamatan niya ito at sinabing isang saludo ang kanyang ibinibigay sa kasalukuyang administrasyon.

Si Dela Rosa, na isang dating Philippine National Police (PNP) chief bago naging senador ay bali-balitang pwedeng masabit dahil sa kanyang tungkulin bilang tagapagpatupad ni dating Pangulong Duterte sa kontrobersiyal na giyera kontra droga ng dating pangulo. Isa siya sa mga respondent ng kasong crimes against humanity na isinampa sa ICC.

Bago pa rito, ay inamin ni dela Rosa na hindi na siya mapagkatulog dahil sa awa na rin sa mga apo niyang iiwanan sakaling makulong siya sa ibang bansa. Gayunman ay sinabi rin niya na pinanghahawakan na lamang niya ang pangako ni Pangulong Marcos na hindi papapasukin ang mga imbestigador ng ICC sa Pilipinas para siyasatin ang kampanya kontra ilegal na droga ng nagdaang administrasyon.

Giniit din ni Sen. Bato na isang malaking bagay ang ganitong sinabi ng ating pangulo sapagkat bibihira aniyang magbitaw ng anumang pahayag si Pangulong Marcos jr., at hindi aniya pala salita ito gaya ng ibang lider.