Batangas

Batangas City nagsagawa ng Blood Olympics 2024

June 17, 2024 Jojo C. Magsombol 105 views

BILANG paggunita sa World Blood Donors Day, nagsagawa ng Blood Olympics 2024 ang pamahalaang lungsod sa pamamagitan ng City Health Office (CHO) sa Batangas City Sports Center nitong June 14.

Ito ay may temang “Batangueñong Responsible Alay ay Dugo, Magkasamang Aalagaan ang Mamamayan” .

Layunin ng naturang aktibidad na makalikom ng dugo na ipagkakaloob sa Philippine Red Cross (PRC) at Batangas Medical Center upang magamit ng mga nangangailangan.

Ang Batangas City ang napiling host ng National Voluntary Blood Services Program ng Regional Office ng Department of Health (DOH) ngayong taon.

Ayon kay Dr. Lawrence Badillo ng CHO, mahalaga ang pagkakaroon ng available na dugo sa mga malalaking ospital upang makasagip ng buhay at upang magamit sa iba pang emergency.

May magandang benepisyo sa katawan ang mag-donate ng dugo, ayon sa mga pag-aaral.

May 607 indibidwal mula sa iba’t-ibang barangay sa lungsod ang nag-donate ng dugo.

Lumahok din dito ang ilang myembro ng kapulisan ng Batangas Police Provincial Office (BPPO) sa pangunguna ni Batangas police director PCOL Jacinto R. Malinao, Jr.

Lubos ang pasasalamat ng mga organizers ng naturang gawain sa lahat ng blood donors dahil sa suportang ipinagkaloob ng mga ito sa kanilang hangaring makapagdugtong ng buhay.

AUTHOR PROFILE